Ni: Francis T. Wakefield at Rommel P. Tabbad

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy na kinukumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang ulat ng pagkamatay ng walong katao dahil sa bagyong ‘Ramil’ na tumama sa bansa nitong Miyerkules.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Romina Marasigan, base sa inisyal na ulat na kanilang natanggap, tatlo ang nasawi sa pagguho ng lupa sa San Juan, Batangas at sa Camarines Sur.

“Three of those killed were as a result of landslide. But as of this time, confirmation is being done with the Department of the Interior and Local Government (DILG),” aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Marasigan na nasa kabuuang 78 pamilya o 305 katao sa anim na barangay sa MIMAROPA (Mindoro, marinduque, Romblon and Palawan) Region at sa Bicol Region, ang nagsilikas dahil sa epekto ng Ramil.

Idinagdag niya na 12 insidente ang na-monitor sa CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol. Kabilang sa mga insidente ang pagtaob ng dalawang bangka, pagbaha, isang vehicular accident, limang landslide, at isang pagkalunod.

Ayon pa kay Marasigan, base pa rin sa mga ulat na natanggap ng ahensiya, nasa 14 na munisipalidad sa CALABARZON, MIMAROPA at Bicol ang binaha. Sa nasabing bilang, 12 ang humupa na ang baha.

Samantala, nakalabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Ramil, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 240 kilometer sa hilaga ng Pagasa Islands, taglay ang lakas na 90 kilometer per hour (kph) at bugsong 115 kph, sa labas ng Pilipinas.

Ngayong umaga, tinatayang ito ay nasa 430 kilometro sa kanluran-hilagang-kanluran ng Pagasa Islands.