Ni: Nonoy E. Lacson
ZAMBOANGA CITY – Patay ang dalawang tauhan ng Civilian Army Auxiliary (CAA) matapos silang tambangan kahapon ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang liblib na lugar sa Sumisip, Basilan.
Kinilala ni Basilan Police Provincial Office director Senior Supt. Nickson Muksan ang mga nasawi na sina CAA Samie J. Jairulla at CAA Abdulla P. Tabjili, kapwa nakatalaga sa Kaumpamatsaken Detachment. Parehong kaagad na namatay sina Jairulla at Tabjili sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Senior Supt. Muksan, dakong 7:50 ng umaga kahapon nang mangyari ang ambush sa Sitio Dak-Dak sa Barangay Kaumpamatsaken sa Sumisip.
Aniya, magkaangkas sa motorsiklo ang dalawang CAA patungo sa Bgy. Buli-Buli upang kumuha ng bigas at iba pang pagkain nang pagbabarilin sila ng umano’y mga bandido ng Abu Sayyaf.
Sinabi ni Senior Supt. Muksan na tinangay din ng mga suspek ang mga service firearm ng dalawang CAA, at isang M-16 Armalite rifle.
Kaagad namang nagkasa ang militar ng blocking position at nagpakawala ng anim na round ng 81mm mortar patungo sa mga kaaway.