Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON

Isa ang patay habang 11 ang sugatan sa riot sa pagitan ng magkaribal na grupo sa loob ng Quezon City Jail na nag-ugat sa pagkakatapon ng tubig sa mukha ng isang preso, nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Jail Warden Supt. Ermilito Moral ang nasawi na si Hermano Alfredo. Namatay din ang isang preso, kinilalang si Edmund Domondo, habang himbing sa ikalawang palapag ng open “plaza” ng bilangguan kung saan matatagpuan ang mga miyembro ng Bahala na Gang, dakong 4:00 ng madaling araw.

Habang isinusugod sa ospital si Domondo ng mga kapwa niya bilanggo, isa sa mga ito ang nakatabig sa timba ng tubig na tumapon sa mukha ng mga natutulog na miyembro ng Batang City Jail sa unang palapag ng pasilidad.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa pag-aakalang sinadya, pinagbabato ng mga bilanggong nasa unang palapag ang ibang bilanggo at nagsimula ang gulo.

Aabot naman sa 11 bilanggo ang sugatan sa pagtatangkang makaalis sa gulo sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palapag, habang ang iba naman ay tinamaan sa ulo ng matitigas na bagay nang magkabatuhan.

Unang isinugod sa East Avenue Medical Center si Domondon kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Habang si Alfredo ay namatay sanhi ng mga saksak sa katawan bago nakarating sa Quezon City General Hospital.

Sa isang panayam, inamin ni Supt. Moral na nahirapan silang pigilan ang gulo dahil sa masikip na espasyo na binubuo ng 3,000 preso.

“Normal naman ‘yung magkagulo pero ngayon na lang ulit ‘yung pinakamalakas kasi hindi na masyadong nacontrol dahil sa space at crowded sa loob,” sabi ni Moral.