ANG Bangsamoro Basic Law (BBL) ay orihinal na binuo ng mga negosyador ng nakalipas na administrasyong Aquino katuwang ang mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Gayunman, kinuwestiyon ito ng maraming panig kaya naman nagtapos ang administrasyong Aquino nang hindi naaprubahan ng Kongreso ang BBL.

Ang panukala ay ibinatay sa kasunduan na base naman sa mga talakayan sa MILF, nang hindi isinali ang isa pang pangunahing organisasyong Moro, ang Moro National Liberation Front (MNLF), at ang iba pang komunidad sa Mindanao.

Binatikos ng mga constitutionalist ang mga probisyong para sa kanila ay labag sa Konstitusyon ng Pilipinas. Sa Senado, bumuo ang komite ni noon ay Senator Ferdinand Marcos Jr. ng inamyendahang bersiyon ng panukala. Sa Kamara, naging problema ang quorum dahil maraming kongresista ang malinaw na tutol na aprubahan ang BBL sa orihinal na bersiyon nito.

Tuluyan nang nabalewala ang mga pagsisikap upang mapagtibay ang BBL nang idaos na ang paghahalal ng bagong pangulo noong Mayo 2016, nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte, na ang isa sa mga pangunahing binanggit noong nangangampanya ay ang plano niyang gawing federal ang uri ng gobyerno, kung saan higit pang magtatamasa ng awtonomiyang pangpinansiyal ang isang Moro autonomous region, na ang teritoryo ay nakasentro sa kasalukuyang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Nitong Linggo, nang magtalumpati sa Davao City ilang oras bago siya bumiyahe patungong Japan, umapela ang Pangulo sa Kongreso na apurahin ang pag-apruba sa bagong panukalang BBL na binuo ng Bangsamoro Transition Commission, at sa pagkakataong ito ay kapwa suportado ng MILF at MNLF. Magkakaroon ng pagbabago sa mas malawak na awtonomiya kapag ang federal system ng gobyerno ay napagtibay na sa isasagawang Constitutional Assembly.

Katatapos lang dumanas ng Mindanao ng matinding trauma na dulot ng panggugulo ng mga rebeldeng Moro, sa pangunguna ng Maute Group, at suportado ng pandaigdigang Islamic State, nang kubkubin ng mga ito ang Marawi City sa loob ng limang buwan. Nais ng mga terorista na magtayo ng kanilang teritoryo ng Islamic State caliphate, na pamumunuan ng “emir” nilang si Isnilon Hapilon. Sakaling nakiisa ang mga pangunahing organisasyong Moro — ang MILF at MNLF — sa nasabing rebelyon, tiyak na hindi pa rin malaya ang Marawi sa mga terorista hanggang ngayon.

Sa kanyang talumpati sa Davao, sinabi ng Presidente na nagkakaisa na ngayon ang MILF at MNLF sa pagsuporta sa bagong BBL. Subalit naiinip na ang mga ito dahil sa matagal nang pagkakabalam dahil na rin sa hindi agarang pag-aksiyon ng mga mambabatas, kaya naman umapela na siya sa Kongreso na bilisan ang pag-apruba rito.

Ang lahat ng kinauukulang pinuno ng bansa ay mayroong oportunidad upang busisiin ang bagong BBL draft para tiyaking ang mga kinontra sa naunang bersiyon — partikular na ang legalidad nito — ay epektibo nang natugunan at nabago.

Maaari ring makatulong ang BBL sa Kongreso kapag tinutukan na nito ang mas malaking misyon ng pag-amyenda sa Konstitusyon, dahil ang awtonomiya ng teritoryo ng Bangsamoro ay posibleng gamiting huwaran ng iba pang rehiyon sa bansa na bibigyan ng awtonomiya, alinsunod sa federal na uri ng pamahalaan.