WALANG makakapigil sa pagle-level up ni Jerald Napoles sa leading man status dahil bukod sa pelikula nila ni Valeen Montenegro na The Write Moment, may kasunod siyang pelikula sa Regal Entertainment. Kahit next year pa nila gagawin ni Lovi Poe ang Kung Paano Ako Naging Leading Lady, excited na si Jerald.
“Feeling Dennis Trillo, Tom Rodriguez, Derek Ramsay at Christopher de Leon ako na naging leading man na ni Lovi.
Masayang-masaya ako nang i-meeting ako nina Mother Lily at Roselle Monteverde para sa project,” wika ni Jerald.
Big break din kay Jerald ang pagkakapili sa kanya bilang isa sa leading men ni Marian Rivera sa Super Ma’am at matagal nag-sink in sa kanya ito. In fact, nang bumisita kami sa taping ng action/fantasy series a few days ago, saka lang inamin ni Jerald ang tungkol dito.
“Nag-sink in na rin sa akin na oo nga, isa ako sa leading man ni Marian sa Super Ma’am, hindi lang si Matthias (Rhoads). ‘Yun ay pagkatapos kong mabasa ang feedback sa social media na may chemistry kami ni Yanyan at nakakatuwa ang mga eksena namin. May halong comedy daw ang love team namin,” balita ni Jerald.
Nakapuntos pa si Jerald nang kuning endorser ng McDonald’s dahil never niyang inisip na kukunin siyang endorser nito.
“Ang sabi sa akin, nang makita ng creative at ng director ang storyboard, ako agad ang naisip nilang babagay sa campaign. Pinapirma agad siya. Nang tinawagan ako ni Ateng (Rams David) para sabihing may TVC shoot ako for McDo, hindi agad ako naniwala, pero totoo pala. Four hours lang kinunan ang TVC na ‘yun dahil chroma board lang. At least, masasabi kong naging McDo endorser din ako,” pagtatapos ni Jerald.