Ni: Genalyn D. Kabiling

Walang pera ng taumbayan na nasayang sa pagpapagawa ng mega drug rehabilitation center sa Nueva Ecija.

Ito ang tiniyak ng Malacañang sa publiko kahapon.

Isang araw makaraang sabihin ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago na isang pagkakamali ang pagtatayo sa nabanggit na dambuhalang drug treatment facility, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang proyekto ay pinondohan ng isang pilantropong Chinese, at hindi ng gobyerno ng Pilipinas.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Una nang sinabi ni Santiago na hindi praktikal ang 10,000-bed drug treatment facility sa Nueva Ecija. Aniya, dapat na inilaan na lang ang ipinagpagawa nito sa pagpapagawa ng mga rehabilitation center sa bawat komunidad, na mangangailangan ng suporta ng pamilya ng mga pasyente.

“So, bagamat ganyan po ang opinion ng pinuno ng Dangerous Drugs Board, eh, ang assurance naman po natin, walang nasayang na pondo ng gobyerno. That was a decision made by the donor and we can’t do anything about it,” paliwanag ni Roque.

Gayunman, sinabi ni Roque na pag-aaralan ng gobyerno ang mungkahi ni DDB chairman sa pagkakaroon ng mga community-based drug treatment program.

“If we are to invest public funds, we will pursue the strategy recommended by the head of the DDB,” ani Roque.

Nag-donate ang Chinese tycoon na si Huang Rulun ng P1.4 bilyon para sa pagpapatayo ng dambuhalang drug rehabilitation facility sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, na labis na pinasalamatan ni Pangulong Duterte.