Ni MARY ANN SANTIAGO
Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pananambang at pagpatay ng mga hindi nakilalang suspek sa isang grupo ng mga estudyante sa Davao del Sur nitong Lunes, na ikinasawi ng isang Grade 7 student at ikinasugat ng lima pa nitong kaklase.
Sa ipinalabas ng pahayag ng tanggapan ni Education Secretary Leonor Briones, hinihiling niya sa lahat ng law enforcement agency sa bansa na tugusin, arestuhin at papanagutin sa krimen ang mga responsable sa pananambang at pagpatay kay Jimboy Linkanay, 16, Grade 7 sa Kimlawis National High School.
Batay sa ulat, si Linkanay, kasama ng lima pang kaklase, ay pauwi na sakay sa isang truck galing sa Damsu Cultural Festival sa Kiblawan, Davao del Sur nang harangin at pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at hita si Linkanay, habang sugatan din ang lima pang estudyante, ang tatlong sibilyan na sakay din sa truck, at ang driver.
Nanindigan naman ang DepEd na ang anumang karahasan, banta o pag-atake sa mga estudyante, guro, at mga tauhan ng kagawaran ay isang desperadong hakbang, at nanawagan sa mga awtoridad na paigtingin ang pagbabantay.
Umaasa naman si Briones na madarakip kaagad kung sino ang mga nasa likod ng pag-atake, at matutukoy kung ano ang motibo sa krimen, para mabigyang katarungan ang mga biktima.