Ni: Liezle Basa Iñigo
Anim na umano’y kilabot na carnapper na may operasyon sa Dagupan City, Pangasinan at mga karatig na lugar ang inaresto sa hot pursuit operation sa Anda, Bolinao, at Dagupan City.
Sinabi ni Supt. Franklin Ortiz, hepe ng Dagupan City Police, na ang modus operandi ng grupo ay tumangay ng mga nakaparadang motorsiklo, tsaka ito ibebenta online.
Apat sa anim na nadakip ang kinilalang sina Mark Anthony Frianez, 20; Terence Ubando, kapwa ng Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City; Bobby Christopher Calimlim; at Gilbert Lazo.
Naaresto kahapon ang anim matapos na makita sa online buy-and-sell ng kamag-anak ng isa sa mga nabiktima ang motorsiklong katulad ng natangay dito.
Sa Anda nadakip ang una sa anim, na kaagad na nasundan ng pag-aresto sa isa pa sa Bolinao.
“Natunton na iyong apat na iba pa matapos ang hot pursuit na isinagawa, matapos na ikanta ng mga kasama na pawang magbabarkada,” pahayag ni Ortiz.
Pitong carnapped na motorsiklo ang narekober umano sa mga suspek, bagamat chop-chop na ang mga ito.
Nasa kustodiya na ng Dagupan Police ang mga suspek, at nahaharap sa kasong kriminal.