Nina AARON B. RECUENCO at FER TABOY
Napatay nitong Miyerkules ng mga operatiba ng Philippine Army ang dalawang straggler ng Maute-ISIS siyam na araw makaraang ideklara ng gobyerno ang pagtatapos ng bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur, kasunod ng limang-buwang bakbakan.
Ayon sa police sources, isa sa dalawang napatay na straggler ay kinilalang si Abu Talja, ang napaulat na kanang kamay ni Isnilon Hapilon, na kabilang sa mga namuno sa pagkubkob sa Marawi noong Mayo 23.
Itinalagang “emir” ng Islamic State sa Southeast Asia, Oktubre 16 nang napatay si Hapilon sa bakbakan, kasama ang isa pang Maute-ISIS leader na si Omar Maute.
Dakong 9:00 ng gabi nitong Miyerkules nang sumiklab ang bakbakan makaraang mamataan ng mga sundalo ang dalawang straggler sa loob ng main battle area.
“Both stragglers died while two soldiers were wounded in action,” sabi ng source.
Kaagad na inilipat ang mga bangkay sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) para iproseso bago ilibing alinsunod sa tradisyong Islam.
STRAGGLERS SA MARAWI, 39 PA
Kaugnay nito, pinaigting pa ang pagbibigay ng seguridad sa Marawi makaraang aminin ng naarestong Indonesian na miyembro ng Maute-ISIS na may 39 pa siyang kasamahan na nananatili sa main battle area.
Kinumpirma ni Marawi City Police Office (MCPO) chief Supt. Imam Ebra Moxsir na inamin ni Muhammad Ilham Syahputra, 22, na napatay nito ang kapwa Indonesian terrorist nang pigilan siya nitong makatakas sa war zone.
Nadakip si Syahputra ng mga tauhan ng Barangay Peace Action Team (BPAT) ng Barangay Loksadatu nang pagtanungan niya ang mga ito kung paano makalalabas sa Marawi.
Sinabi ng pulisya na marami silang nakuhang impormasyon mula kay Syahputra, kaya naman higit pa nilang pinaigting ang seguridad sa siyudad, katuwang ang militar, lalo na ngayong libu-libong bakwit na ang nagsisibalikan.
PATUNG-PATONG NA KASO
Nakumpiska umano mula kay Syahputra ang isang colored pink tablet, sampung P1,000 bills, 15 piraso ng P500 bills, dalawang P100, anim na 10 Qatari riyals, apat na 100 UAE dirhams, dalawang 10 Singapore dollar; limang 5 Qatar riyals, walong 100 Saudi riyals, at limang 1 Qatari riyal, ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Office director Senior Supt. John Guyguyon.
Nasamsam din umano mula sa Indonesian ang pitong gintong bracelet, isang granada, isang .45 caliber pistol, mga magazine, at isang Indonesian passport na hindi sa kanya.
Miyerkules ng gabi nang ibiniyahe si Syahputra patungo sa PNP headquarters sa Camp Crame sa Quezon City, at kahapon ay sinampahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng patung-patong na kaso ang dayuhan.
Ayon kay Supt. Vemily Madrid, deputy spokesperson ng PNP, kinasuhan si Syahputra ng rebelyon, illegal possession of firearms and explosives, at paglabag sa International Humanitarian Law (RA 9581).