Ni MIKE U. CRISMUNDO
BUTUAN CITY – Inihayag kahapon ng police at military intelligence community na mahina na ang natitirang puwersa ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), at sa katunayan ay nagsasagawa na lang ng mga krimen ang ilang kasapi nito.
Sa hiwalay na declassified assessment report na nakuha ng Balaita mula sa intelligence community ng pulisya at militar, nabatid na ang natitirang guerilla front ng CPP-NPA northeastern, north-central at northern Mindanao Regional Committee ay kakaunti na lang umano, dahil mas marami na ang sumusuko at nagbabalik-loob sa pamahalaan dahil na rin sa mahirap na pamumuhay sa kabundukan.
“Some of them already turned into banditry while other remaining guerilla fronts also engaged in their force extortion activities,” sabi ng isang police intelligence officer na tumangging pangalanan dahil hindi siya awtorisadong magsalita sa media.
Aniya, naging basehan ng assessment nilang ito ang pagdakip sa anim na miyembro ng NPA sa San Luis, Agusan del Sur noong nakaraang linggo, nang ilang matataas na kalibre ng armas at mga gamit sa paggawa ng bomba ang nasamsam sa mga suspek, kabilang ang watawat ng NPA.
Sa pagsasanib-puwersa ng militar at pulisya, naaresto ang anim na rebelde sa bisa ng mga search warrant na inisyu ng lokal na korte sa Agusan del Sur, at nakumpirma ang sitwasyon ng kilusan sa isinagawang paunang tactical interrogation, ayon pa rin sa source.
“I can say that (CPP-NPA is weak) because of the documents seized during recent separate gunbattles in San Luis, Agusan del Sur and in upper far-flung areas in Butuan City,” sinabi kahapon ng isa pang Army intelligence officer na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Aniya, batay sa testimonya ng ilang rebeldeng sumuko sa Bukidnon at sa ilang bahagi ng Caraga region, nabatid na patuloy na nababawasan ang puwersa ng NPA dahil na rin sa hirap ng buhay sa kabundukan.
Nitong nakaraang linggo lang ay nagdagdag ang Philippine Army ng dalawang combat maneuvering battalion na ipakakalat sa mga lalawigan sa Agusan at Surigao upang tuluyan nang pulbusin ang NPA.