Ni: Marivic Awitan
TULAD ng hinuha ng marami, second overall pick sa nakalipas na 2017 PBA Draft si Kiefer Ravena makaraang kunin ng NLEX Road Warriors.
Bagama’t may ideya na kung saan siya mapupunta bago ang Rookie Drafting, hindi pa rin naitago ng dating UAAP 2-time MVP ang kakaibang saya makaraang magsimula na ang realidad ng kanyang mga pangarap.
“Kahit ano naman sabihin natin, iba parin ‘pag natawag na yung pangalan mo doon sa podium. Sobrang dream come true,” pahayag ni Ravena.
Mas lalong naging espesyal para kay Ravena ang pagkakataon nang ang kumuha sa kanya sa draft ay ang mismong coach na siya ring pumili noon sa kanyang amang si Ferdinand “Bong “ Ravena may 25 taon na ang nakalilipas.
“Sabi ko nga, 25, 26 years ago, si Coach Yeng (Guaio) gusto niya kunin yung dad ko, ngayon nagkaroon siya ng opportunity na kumuha ulit ng isang Ravena,” anang second-generation player.
“Sana mas okay yung nakuha niyang Ravena,” pabirong dagdag ng batang Ravena.
Para kay Guiao, naniniwala siyang malaking tulong ang magagawa sa kanila ni Ravena dahil batid niyang handa na itong maglaro sa PBA.
“I’m sure magiging immediate ang impact niya sa team, hindi na namin kailangang maghintay. Kasi last year pa alam ko ready na siya mag-PBA, “ pahayag ni Guiao.