Ni: Manny Villar

IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 17 ang paglaya ng Lungsod ng Marawi sa impluwensiya ng mga terorista. Ang deklarasyon ay kasunod ng balitang napatay ng hukbong sandatahan ang dalawang pinakamataas na pinuno ng Maute Group, na nakikipag-alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Nais kong ituon ang pitak na ito sa mga bayani ng Marawi Siege. Ayon sa Amerikanong heneral na si Norman Schwarzkopf, mga bayani lamang ang sumusuong sa digmaan. Nararapat lamang na kilalanin natin bilang mga bayani ang mga babae at lalaking sundalo at pulis na nagpakita ng katapangan sa pagtatanggol sa Republika laban sa mga kaaway.

Ayon sa pinakahuling tala na aking natunghayan, may kabuuang 155 sundalo ang namatay sa digmaan. Sila at ang mga sundalong nasugatan ay dapat kilalanin bilang mga bayani dahil sa sakripisyo para sa bayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang sentimiyentong ito ay ipinahayag ni Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., commander ng Western Mindanao Command, nang sabihin niya na dapat bigyan ng parangal ang mga kawal na namatay habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa bayan.

Ayon sa heneral, habambuhay itong tatanawin bilang utang na loob ng bansa.

Huwag din nating kalimutan ang mga pamilya ng mga kawal – mga ama at ina na nanumpa rin upang ipagtanggol ang kanilang mga anak, ngunit naulila dahil sa pagtatanggol sa bayan.

Nagsakripisyo rin ang mga pamilya ng mga kawal. Hindi masusukat ang sakit na kanilang nadama nang makita ang bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay dahil sa digmaan.

Bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga kawal at sa kanilang mga pamilya, nararapat lamang na bigyan ng magandang kinabukasan ang mga naulila.

Nangako si Pangulong Duterte na dodoblehin ang suweldo ng mga sundalo simula sa Enero 2018. Ito ay karagdagan sa pabahay at edukasyon para sa mga pamilya ng mga sundalo.

Nangako rin ang administrasyon na bibigyan ng mas mahusay at makabagong kagamitan ang mga tropa. Lubhang mahalaga ito dahil kahit na natapos ang Marawi Siege ay alam natin na magpapatuloy ang banta ng terorismo.

Bilang karagdagan, kailangan ding isailalim sa mas maigting na pagsasanay ang mga puwersa ng pamahalaan upang maging handa sa pagharap sa iba’t ibang istratehiya na ginagamit ng mga terorista. Ang mga terorista ngayon ay may kakayahang maglunsad ng pag-atake sa mga lungsod, at kailangan dito ang ibang uri ng pagresponde.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)