Ni: Bella Gamotea
Sugatan ang isang binata makaraang saksakin ng nakaalitang karpintero sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Nagpapagaling sa ospital si Bryan Parco y Ewican, 23, ng No. 4-36, 7B, Ilaya Street, Barangay Alabang ng nasabing lungsod. Siya ay nagtamo ng isang saksak sa dibdib.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Fernando Nolasco y Soriano, 51, ng No. 109 San Guillermo, Bgy. Bayanan ng lungsod.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa L&B Compound, 2nd Road, Ilaya, Bgy. Alabang, Muntinlupa City.
Katatapos lang makipag-inuman ng biktima sa kaibigang si “Pakneng” at nagpasyang magtungo sa hamburger shop sa L&B Compound.
Nakasalubong ni Parco si Nolasco at nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang huli at sinaksak ang una.
Kumaripas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.