Ni: Bert de Guzman
NGAYON ay Undas o Araw ng Mga Patay, itinuturing ng mga Pilipino na tanging araw para sa mga yumao. Subalit sa wikang English, ito ay tinatawag na All Saints’ Day na kung tatagalugin ay Araw ng mga Santo/Banal.
Sa Pilipinas na isang Katolikong bansa, ang Nobyembre 1 ay espesyal na araw para sa pumanaw na mahal sa buhay.
Karapat-dapat lang na sila ay alalahanin, hindi kalimutan na naging bahagi ng ating buhay sa mundong ito.
Kina Tatang (isang magsasaka) at Inang (isang tindera) na iginapang kami sa hirap upang makapag-aral, nais kong ipaalam sa kanila na hindi kayo malilimutan. Ang inyong pagmamahal at pagmamalasakit ay lalagi sa aming puso at isipan.
Alam ba ninyo, lalo na na ng taga-Tondo, na hindi kayo nalilimutan ng inyong Kinatawan, si ex-Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo (1st District)? Bilang paggunita sa mga mahal sa buhay, si Asilo ay naghanda ng 80 sasakyan para sa taunang libreng sakay ng mga residente na magtutungo sa Manila North Cemetery ngayong Nobyembre 1.
Inaasahang may 20,000 taga-Tondo 1 ang makikinabang sa proyektong ito ni Ka Atong na libreng sakay na magsisimula ng 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon. Makasasakay ang mga residente sa mga terminal ng sumusunod na lugar: PRITIL, DAGUPAN, MATA, QUEZON, MORIONES, SARAGOZA, TUAZON/LAKANDULA, At SMOKEY MOUNTAIN/BALUT.
Magugunita na si Asilo ang nagproyekto ng CREMATORIUM sa North Cemetery para sa libreng serbisyo sa taga-Tundo.
“Ito’y galing sa salapi ng bayan ng Tundo kaya nararapat na ipagkaloob nang libre at huwag nang pagkakitaan pa,” ayon sa kanya.
Nagpagawa rin siya ng Wall Niche na libre sa mga residente. “Kasiyahan ko at ng aking pamilya ang maglingkod nang tuluy-tuloy kahit wala na ako sa posisyon.” Si Asilo ay dating barangay chairman bago naging konsehal ng Tundo. Siya ay nakatapos ng 3 termino bilang kinatawan ng Tundo. Kung ang lahat ng kongresista at senador ay ganito ang kaisipan at layunin, baka sumulong ang ‘Pinas. Hindi puro PDAF ang dapat nilang isipin at huwag gawing negosyo ang pagiging pulitiko.
Siyanga pala, may bago nang tagapagsalita o spokesperson si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Siya ay si Kabayan Party-list Rep. Harry Roque. Pinalitan niya si presidential spokesman Ernesto Abella. Habang isinusulat ko ito, nagtataka ang mga Pinoy kung bakit pinalitan ang mild-mannered na si Abella, isang dating pastor. Bakit nga kaya?
Alam ba ninyong lima sa 10 Pilipino ay hindi naniniwalang adik ang lahat ng na-Tokhang? Tatlong buwan na lang pala sa serbisyo si Gen. Bato. Nangako siya na papaalisin sa PNP ang police scalawags. Gen. Bato, lipulin mo rin ang mga demonyong RIT (riding-in-tandem) o MSM (magkaangkas sa motorsiklo) na walang habas na pumapatay sa suspected drug pushers at users. May duda kasi ang mga Pinoy na ang RIT o MSM ay mga pulis din.