Ni: Ric Valmonte

AYON kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla, dapat na ang mamamayan ay manatiling alerto, mapagbantay at mapagmasid sa kanilang kapaligiran. Hindi, aniya, sapat ang mga pulis, sundalo at iba pang security personnel upang makita ang lahat. Kaya pinaaalalahanan ang bawat isa, dahil ang paglaban sa terorismo ay hindi natatapos sa nagwakas na labanan sa Marawi. Dapat daw na makiisa ang mamamayan sa pamahalaan sa pangangalaga sa seguridad.

Kasunod ito ng babala ni Pangulong Duterte na baka magsagawa ang extremists ng mga pag-atakeng “lone wolf” pagkatapos silang magapi sa Marawi.

Sa Philippine Professional Summit sa Manila Hotel, sinabi ng Pangulo na pati siya ay natatakot na sa pagkatalo ng mga terorista sa malakihang karahasan ay ganito namang paraan ang piliin nila. “Baka subukin nila ang higit na marahas pa rito, gaya ng ibunggo nila ang truck sa pulutong at patayin kahit sino,” wika ng Pangulo.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Nangyari na at nangyayari pa ang ganitong istilo ng pakikipaglaban sa ibang mga bansa, tulad ng sagasaan ng truck ang malaking pagtitipon, kabitan ng malalakas na pampasabog ang sasakyan at ibunggo sa mga pampublikong gusali, at magpasabog sa matataong lugar.

Ang ganitong istilo ay ginagamit ng mga tao o grupo na niyurakan ang kanilang bansa. Halimbawa, noong salakayin ng Amerika ang Iraq at patayin ang pinuno nito na si Saddam Hussein sa inilunsad nitong “Desert Storm”, dahil umano gumagawa at nag-iingat ng “weapons of mass destruction” ang Iraq. Eh, kasinungalingan naman pala ito. Ang layunin pala ng Amerika sa bansang ito at sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan ay makontrol ang langis.

Kung ikinalat ng mga tao o grupo ang paraan ng kanilang pakikipaglaban sa mga bansang nasa Europa, gaya ng France at England, ito ay dahil magkakasabwat sila sa paglupig sa mga bansang mayaman sa langis. Hanggang hindi natutuyuan ng langis ang Gitnang Silangan, patuloy ang kaguluhan dito. “Divide and rule” ang ginagawa ng Amerika at ibang mga bansa sa mga bansang nasa Gitnang Silangan na mayaman sa langis. Nagtatag ang malalaking bansa ng gobyerno na magagamit nila para sa pansariling interes, katulong ang mga taong tagaroon. Bakit hindi lalabanan ang gobyernong ito na kanilang itinindig at sinusuportahan ng mga makabayang mamamayan ng mga nasabing bansa?

Linya ng malalaking bansa ang sinasabi ni Pangulong Digong na ang mga extremist ay nagagabayan lamang ng kanilang ideolohiya na... manira at pumatay. Noong panahong ideklara ni Pangulong Marcos ang martial law, ang kalaban ng Amerika ay mga komunista. Nang ideklara ni Pangulo Digong ang martial law sa Mindanao, extremist at terorista naman.

Ang kintatakutan ng Pangulo ngayon ay baka dalhin dito sa Pilipinas ang paraan ng pakikipaglaban ng tinatawag niyang extremists. May batayan ito, dahil nakialam tayo sa pakikipaglaban nila sa Amerika.

Giniba ng Pangulo ang Marawi para mapatay si Isnilon Hapilon na matagal nang hinahanap ng Amerika. Para lamang makita ito ay pinatungan ito ng napakalaking halaga ng dolyar sa ulo. Bukod dito, ang mga sundalong Kano ang naggabay sa mga sundalo natin para mahanap si Hapilon.

Ang isyung ito ng pagtulong natin sa paghahanap kay Hapilon ay inilubog ng Pangulo sa kanyang pakikidigma laban sa droga at grupo ng Maute.