Ni: Marivic Awitan
HINDI naitago ni Star coach Chito Victolero ang kanyang kasiyahan matapos ang naganap na PBA Annual Rookie Draft noong Linggo ng hapon sa Robinsons Place Manila.
“I’m very happy,” ani Victolero nang tanungin kung kuntento siya sa kanilang mga naging draft picks.
Nakalimang rookie picks ang Star sa Draft na kinabibilangan nina 9th overall pick Lervin Flores, 14th pick Joseph Gabayni, 16th pick Julian Sargent, 20th pick Gwynne Capacio at 30th pick Thomas Torres.
Ayon kay Victolero, titingnan pa nila kung sino sa kanila ang mag-i-excel sa practice.
“Puno kasi kami. May 14 players na so isa lang talaga and available na slot, unless me magandang mangyari,” aniya.
At tila nag-dilang anghel si Victolero nang sopresang i-trade ng Hotshot ang tatlong rookie pick na sina Flores, Gabayni at Sargent sa Globalport kapalit ng 6th overall pick na si Fil-Am Robbie Herndon.
Patunay dito ay nang makita na suot ni Herndon ang jacket ng Star pagkatapos ng draft.
Si Herndon ay huling naglaro para sa Wangs Basketball at Marinerong Pilipino nitong 2017 PBA D-League Foundation Cup.