Ni: Samuel P. Medenilla at Merlina Hernando-Malipot
Iginarantiya ng Department of Education (DepEd) kahapon ang pagbabalik ng P4,000 net take home pay (NTHP) sa lahat ng mga apektadong guro at tauhan, simula Oktubre 30.
Sa isang pahayag, tiniyak ng DepEd na ang lahat ng public school teachers at iba pang empleayado ng Department na ang kanilang NTHP ay ibabalik na sa mandated threshold.
“Those who received less than the said threshold for the month of October due to deductions for the Government Service Insurance System (GSIS) and the Home Development Mutual Fund (HDMF) will receive the remainder on Monday, October 30, through their Automated Teller Machine (ATM) cards,” saad ng DepEd batay sa payo ni Undersecretary for Finance Victoria Catibog.
Sinabi ng DepEd na ipinaprayoridad nito ang “reinstatement” ng NTHP bilang bahagi ng pangako na tiyakin na ang mga guro ay tatanggap ng hindi bababa sa P4,000 para sa kanilang NTHP alinsunod sa DepEd Order No. 55, s. 2017 na pinamagatang “Revised Guidelines on the Implementation of P4,000 Net Take Home Pay for the Department of Education Personnel” na nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones.
Kasabay nito, pinaalalahan ng DepEd ang mga guro at iba pang empleyado “to personally settle dislodged payments for their loans from Private Lending Institutions (PLIs) over the counter.”
Mahigit 500 guro ang nahaharap sa posibleng parusa mula sa Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa mga reklamong may kaugnayan sa utang mula sa malalaking lending institutions.
Sinabi ng Professional Regulation Commission (PRC) na nai-refer na ng legal department nito ang 533 pending cases, na natanggap nito mula 2014 hanggang 2017, sa Board of Professional Teachers (BPT) para aksiyunan.
Karamihan sa mga kaso ay inihain ng mga sumusunod na malalaking lending institutions: Tarlac Public School Teachers; Progressive Rural Bank; Hovono Lending Corp.; Peso Lite; Sterling Bank; Bernadette Lending; at Bridge Auxiliary.
Sinabi ni Atty. Jose Bernabe Pauig, hearing officer sa PRC Legal and Investigation Division, na batay sa affidavit o petisyon na isinumite ng mga sangkot na partido, maaaring ibasura ng BPT ang mga kaso o parurusahan ang mga respondent, o ang mga guro.
“The Board may impose a mere reprimand to the teachers in the form of a mere warning. It may also opt to suspend the (professional) licence of the teacher for a certain period or revoke it,” ani Pauig sa Manila Bulletin.
Ipinaliwanag ni Pauig na ang professionals na binawian ng lisensiya ay maaaring maghintay ngdalawang taon bago makapag-apply na maibalik ang kanilang professional license.
Gayunman, idiniin ng PRC na wala itong mandato para gipitin ang mga guro na magbayad ng kanilang mga utang.