Ni BELLA GAMOTEA
Naglaan kahapon ng P100,000 pabuya ang Grab Philippines sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto ng suspek sa pagpatay sa tinaguriang “Good Samaritan” driver na si Gerardo “Junjie” Maquidato, Jr., na nabiktima ng carnapping kamakailan.
Sinabi ni Brian Cu, head ng Grab Philippines, na nais nilang mahuli ang salarin at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng 37-anyos na si Maquidato, gaya rin ng hinihiling ng maybahay ng biktima.
Matatandaang binaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek na nagpanggap na pasahero si Maquidato sa loob ng Toyota Innova (YV-7109) nito sa Bonanza Street, Barangay 189, Pasay City, dakong 7:50 ng gabi nitong Huwebes.
Pagkatapos mapatay si Maquidato ay tinangay pa ng suspek ang sasakyan nito.
Sinabi ni Cu na patuloy na nakikipagtulungan ang Grab sa Pasay City Police at sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para sa ikalulutas ng kaso, lalo na at malaking tulong ang teknolohiya at ang mga naka-record na transaksiyon ng kumpanya para matunton ang suspek. Umapela rin ang Grab sa publiko na magbigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek upang maresolba ang pagpatay kay Maquidato, sa pamamagitan ng pagtawag o pagte-text sa 0917-6178731.
PERSONS-OF-INTEREST
Kasabay nito, inihayag kahapon ni Senior Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Pasay City Police, na tatlo hanggang apat na “person-of-interest” ang tinutunton ngayon ng kanyang mga tauhan.
Aniya, ang nasabing mga indibiduwal ang umano’y huling nakatransaksiyon ni Maquidato bago ito pinatay.
Tumanggi namang pangalanan ng pulisya ang mga itinuturing na person-of-interest upang hindi makaapekto sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
“It is complicated because for example, I booked for a ride at Grab but another person will ride instead. It can happen,” ani Bartolome.