Ni: PNA
NAGSAGAWA ang West Metro Medical Center at ang Zamboanga Press Club, Inc. ng medical mission sa 46 na miyembro at dependents ng club.
Sa kabuuan ng mga benepisyaryo, 36 ang matatanda at ang natitirang sampu ay mga bata na nakatanggap ng libreng konsultasyong medikal mula sa dalawang doktor ng pagamutan.
Bukod sa libreng konsultasyon, tumanggap din ang mga benepisyaryo ng blood sugar test, cholesterol test, at uric acid test.
Ang medical mission, sa pamamagitan ng pop-up clinic, ay isinagawa sa ikalawang palapag ng tanggapan ng Zamboanga Press Club, Inc. sa Pilar Street, Barangay Zone IV sa Zamboanga City.
“We came up with this activity to help our co-workers in the media industry as well as their relatives. We should also think of our health,” lahad ni Zamboanga Press Club, Inc. Committee on Health Chairman Hermie Ventura.
Inihayag ni Ventura, Zamboanga Press Club, Inc. auditor, na ang medical mission ay ginagawa taun-taun sa tulong ng mga tagasuporta ng Zamboanga Press Club, Inc., gaya ng West Metro, para sa benepisyo ng mga kasaping mamamahayag at mga tauhan ng lokal na industriya ng media at kanilang mga kaanak.
Ang medical mission ay iminungkahi ni West Metro President at Chief Executive Officer Ramon Diaz kay Zamboanga Press Club, Inc. President Teofilo Garcia Jr. sa renewal ng Memorandum of Agreement ng dalawang partido.
Isinusulong ng West Metro at Zamboanga Press Club, Inc., sa kanilang kasunduan, ang pagbibigay ng limang porsiyentong diskuwento sa lahat ng binibiling gamot ng mga kasapi ng Zamboanga Press Club, Inc.