Ni: Celo Lagmay

BAGAMAT hindi dapat ikabigla, ginulantang na naman tayo ng nakakikilabot na pagpaslang sa isang kapatid sa media -- si Christopher Iban Lozada, anchor ng isang local radio station sa Bislig City sa Surigao del Sur. Natitiyak ko na, tulad ng iba nating mga kapwa peryodista, ang kanyang kahindik-hindik na kamatayan ay may kaugnayan sa pagtupad ng kanyang misyon bilang tagapaglahad ng katotohanan at iba pang makabuluhang impormasyon na dapat mabatid ng sambayanan.

Ang kalunus-lunos na pagpatay kay Lozada ay lalong nagpatibay sa aking paniniwala na ang pamamahayag -- ang journalistic profession -- ay kakambal ng kamatayan; na ang ating isang paa ay laging nakayapak sa panganib samantalang ginagampanan natin ang isang makatuturang misyon kaugnay ng ating karapatan sa malayang pamamahayag o press freedom. Sa kabila nito, lalong nag-aalab ang ating hangaring ilantad ang mga pangyayaring nagaganap sa gobyerno at sa lipunan, lalo na ngayong ipinatutupad na ng Duterte administration ang Freedom of Information (FOI).

Subalit nakapanlulumong mabatid na hanggang ngayon, sa aking pagkakaalam, wala pang inusig at nahatulan sa mga pumaslang sa ating mga kapatid sa media. Lima na ang napapatay na mediamen sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Umaabot na sa 155 journalist ang napapatay sa pagtupad ng kanilang tungkulin simula noong 1986.

Dahil sa nakadidismayang sitwasyong ito, lagi tayong nasa ikalawang puwesto sa buong daigdig bilang pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Ibig sabihin, hindi lamang tayo kundi maging ang mga dayuhang peryodista ang laging nakasuong sa peligro sa pagtupad ng nasabing misyon.

Hindi lamang ang ating propesyon, kung sabagay, ang laging may kaakibat na kamatayan. Maraming pagkakataon na maging ang klinika ng mga dentista at doktor ay nilulusob ng mga kampon ni Satanas. Hindi ba kahit na ang mga huwes, prosecutor, abugado at maging ang malalaking negosyante ay hindi nakaliligtas sa sinasabing mga hired... killers?

Hindi kalabisang maitanong: Hanggang saan na ang narating ng ating mga alagad ng batas sa pagtugis, paghahabla at paglalapat ng katarungan sa ating mga kapatid na hanggang ngayon ay nagbibiling-baligtad pa, wika nga, sa kani-kanilang mga libingan? Nasaan na ang hustisya sa pagpaslang sa ating kapatid na si Bubby Dacer, Danny Hernandez at iba pa na hindi na natin iisa-isahin pa ang mga pangalan? Nasaan na ang katarungan ng mahigit 30 mediamen na biktima ng karumal-dumal na Maguindanao massacre?

Kung ang malagim na kamatayan ng ating mga kapatid sa propesyon ay hindi man lamang nagtamo ng katarungan noong nakalipas na mga administrasyon, ganito rin kaya ang mangyayari sa kasalukuyang pangasiwaan? Sana, ang kamatayan ay hindi na maging kakambal ng pamamahayag.