Ni: Tara Yap
ILOILO CITY – Habang nasa ibang bansa, opisyal nang tinanggal sa puwesto si Jed Patrick Mabilog bilang alkalde ng Iloilo City matapos na isilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order at habambuhay na diskuwalipikasyon sa serbisyo sa gobyerno laban sa kanya.
Idineklara na rin kahapon ni Atty. Anthony Nuyda, DILG-Western Visayas regional director, si Jose “Joe” Espinosa III bilang bagong alkalde ng Iloilo City.
Ipinatupad ng DILG ang dismissal order ng Office of the Ombudsman, na napagdesisyunan nitong Oktubre 26, na nagsibak kay Mabilog sa puwesto dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Si dating Iloilo provincial administrator Manuel “Boy” Mejorada ang naghain ng reklamo laban kay Mabilog, na matagal nang inaakusahan ni Mejorada ng pagkakaroon umano ng nakaw na yaman simula nang maging konsehal ng siyudad, hanggang sa maging bise alkalde at alkalde.
Sa findings ng Ombudsman, natukoy niyang nadagdagan ng P8.9 milyon ang net worth ni Mabilog sa loob lamang ng isang taon.
Paliwanag naman ni Mabilog, nadagdagan ang kanyang yaman dahil sa loan na nakuha ng kanyang asawa mula sa Bank of Canada. Sinabi rin ni Mabilog na mayroon na siyang ilang negosyo bago pa man siya sumabak sa pulitika.