AABUTIN ng maraming taon — marahil tatagal ng 70, ayon sa isang pagtataya — bago maibalik ang dating ganda ng Marawi City. Masyadong matindi at malawakan ang pagkawasak, kaya naman mistula na ito ngayong larawan ng Maynila matapos na makalaya sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na wala kahit isang gusali ang nakaligtas sa pagkawasak sa main battle area kung saan huling nakipagbakbakan ang mga teroristang Maute at kanilang mga kapwa mandirigma mula sa Islamic State. Tadtad ng tama ng bala at mga durog na piraso ng bomba ang mga pribadong gusali. Nakatirik pa rin ang simboryo ng mga mosque na mistulang nakapanunghay sa mga sira-sirang istruktura, pero labis din itong napinsala sa bakbakan.
Sa likod ng mga pisikal na pagkawasak na ito ay ang mga estadistika sa bilang ng mga nasawi sa digmaan: Nasa 920 terorista ang napatay, gayundin ang 165 sundalo at pulis, at 47 sibilyan; 1,700 sa tropa ng gobyerno ang nasugatan; 1,780 bihag ang nailigtas; at daan-daang libong taga-Marawi ang lumikas at nawalan ng tirahan.
Umani ng papuri ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa maraming sektor sa kung paano ipinatupad ng militar ang misyon nito, nang buo ang malasakit para sa kaligtasan at kapakanan ng mga residente, iniwasan ang mga pag-atakeng maaaring ikapahamak ng mga bihag. Noong Agosto, sinabi ni Pangulong Duterte, sa marahil pagkainip dahil inabot na ng ilang buwan ang bakbakan, na ipinauubaya na niya sa AFP ang desisyon kung maglulunsad na ng malawakang pag-atake laban sa mga terorista, kabilang na ang pambobomba sa lahat ng gusali, kasama na ang mga mosque na ginamit ng mga rebelde bilang kanilang proteksiyon at kanlungan. Subalit nanindigan ang pamunuan ng AFP at mga field commander ng militar sa polisiya ng limitado at kalkuladong pag-atake, na makipagbakbakan nang may konsiderasyon sa mga bagay na pinahahalagahan at inirerespeto ng mga taga-Marawi, kabilang na ang lugar ng sambahan ng mga ito.
Nang tuluyan nang magwakas ang digmaan dalawang linggo na ang nakalipas at nagsimula nang lisanin ng mga sundalo ang Marawi City, naglabasan sa lansangan ang mga tuwang-tuwang residente upang batiin at pasalamatan ang mga sundalo habang bumibiyahe ang mga ito pabalik sa kanilang kampo sa Cagayan de Oro City.
Tunay na mahusay na nagampanan ng AFP ang tungkulin nito sa Marawi, at pinuri ni Pangulong Duterte ang pamunuan ni Gen. Eduardo Año, ang chief of staff ng militar. “The liberation of Marawi was the crowning jewel of General Año’s career,” aniya. “His distinguished leadership resulted in a stronger AFP that did not just secure our nation, but also secured our people’s trust and confidence in the military establishment and the soldiers that it represents.”
Itinalaga si General Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), subalit dahil itinatakda ng batas na kailangang may isang-taong pagitan ang pagtatapos ng kanyang serbisyo sa militar at pagsisimula ng paglilingkod sa Gabinete, maaari lamang maging epektibo ang nasabing appointment makalipas ang isang taon. Sa ngayon, hiniling ni Pangulong Duterte na magsilbi si General Año bilang special assistant to the President o isang undersecretary — anuman ang legal at mas katanggap-tanggap — at sinimulan na niyang pangasiwaan ang Philippine National Police (PNP), na nasa ilalim ng kapangyarihan ng DILG.
Hindi naging maganda ang imahe ng PNP sa publiko sa nakalipas na mga buwan dahil na rin sa napakaraming hindi maipaliwanag na pagpatay kaugnay ng kampanya ng pulisya kontra droga. Tinanggal na ni Pangulong Duterte ang PNP mula sa kampanya kontra droga at itinalaga ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang pangunahan ang pagpapatupad sa drug war.
Isa itong matinding hamon para kay General Año, subalit kumpiyansa tayong magagawa rin niya ang mga pagtatagumpay niya sa AFP sa pagsasakatuparan ng mga bago niyang tungkulin sa DILG, kabilang na ang pangangasiwa sa PNP, taglay ang kahusayan ng kanyang mga kakayahan.