Ni: Orly L. Barcala
Aksidenteng nadakip ang isang carjacker matapos siyang masita sa checkpoint dahil wala siyang suot na helmet hanggang madiskubreng nakaw pala ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Valenzuela City, nitong Linggo ng umaga.
Sa report ni PO2 Jeffrey Noveda, ng Anti-Carnapping Unit, kinilala ang suspek na si Hector Domingo, 18, dish washer, ng Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.
Base sa ulat, bandang 10:35 ng umaga at nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ni Senior Insp. Jesus Mansibang, hepe ng Police Community Precinct (PCP)-2, sa Gen. T. De Leon Road nang pinara nila si Domingo dahil walang helmet.
Hinanapan ng lisensiya at papeles ng motorsiklo ang suspek pero wala itong maipakita.
Dahil dito, inutusan ng mga pulis ang isang traffic enforcer na dalhin sa impounding area ang motorsiklo, habang dinala naman si Domingo sa opisina ng Vehicle Traffic and Investigation Unit (VTIU) para sa interogasyon.
Hanggang dumating sa sa opisina ni Capt. Mansibang si Jethro Alfonso, 22, college student at in-report na ninakaw ang motorsiklo sa harap ng pinapasukang unibersidad.
Nang dalhin sa impounding area ay nakita ni Alfonso ang kanyang motorsiklo, kaya idiniretso na sa kulungan si Domingo, at kinasuhan ng carnapping.