Ni: Danny J. Estacio

STA. CRUZ, Laguna – Naglunsad ang Laguna Police Provincial Office at Laguna Provincial Jail ng manhunt operations laban sa anim na pumuga sa piitan, habang kritikal ang lagay ng isang jail guard makaraang barilin ng isa sa mga pugante nitong Linggo.

Kinilala ng Laguna Police Provincial Office (LPPO) ang mga tumakas na sina Rhandel Bucal Vale, taga-Barangay Bulihan sa Famy, at may kasong murder; Rio Amihan Mahilom, ng Camarin, Caloocan City, na akusado sa sari-saring kaso; Rayman Caparas Raymundo, ng Biñan, murder; Teddy Sarte Bucal, ng Mabitac, murder; Romel Esmer Macaraig, ng San Pablo City, carnapping; at Verjust Daldi Dizon, ng Pagsanjan, na akusado naman sa droga.

Malubha naman ang lagay ng jail guard na si Norbert Malabanan nang ilang beses siyang barilin ng isa sa mga pumuga, ayon kay Senior Supt. Cecilio Ison Jr., Laguna PPO director.

Probinsya

PCG personnel, kasama sa mga nasawing biktima sa SCTEX road crash; naulila ang 2-anyos na anak

Batay sa mga report, bandang 11:00 ng umaga nitong Linggo nang isa sa mga bilanggo, habang armado ng .38 caliber revolver, ay lumapit sa jail guards na sina Malabanan, Alfonso Mariano, at Miguel Arceta.

Dito na pinagbabaril ng preso si Malabanan, ayon kay Laguna Action Center head Rommel Palacol.

Pagkatapos, tumakas ang anim na bilanggo sakay sa isang maroon na Toyota Revo.