(Ikalawang bahagi)
ni Clemen Bautista
ANG Todos los Santos o All Saints’ Day na iniuukol sa mga namayapang mahal sa buhay ay isa sa mga ipinagmamalaking tradisyon ng mga Pilipino. Ang araw na inuukol upang dalawin ang mga mahal sa buhay na yumao na. Kung walang pagkakataon, ang ilan sa ating mga kababayan ay dumadalaw sa sementeryo tuwing ika-2 ng Nobyembre na paggunita “All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa. Sa nasabing araw ginagawa ang pag-aalay ng mga bulaklak, pagtitirik ng mga kandila sa puntod, at ang pag-aalay ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa.
Walang malinaw na batayan kung paano at saan nagsimula ang kaugaliang mag-alay ng mga bulaklak, magtirik ng mga kandila at mag-alay ng mga panalangin para sa mga namayapang mahal sa buhay tuwing Todos los Santos at Araw ng mga Kaluluwa.
Sa paniniwalang Kristiyano, BUHAY at PAGMAMAHAL ang sagisag ng mga bulaklak at LIWANAG naman ang simbolo ng ningas ng kandila. Maraming Katoliko ang naniniwala na ang liwanag ng kandila ay sagisag ni Kristo na siyang Buhay, Liwanag at Katotohanan.
Ang pagdarasal naman para sa mga kaluluwa ay batay sa sinimulan at pinalaganap ni San Odilon noong ika-10 siglo sa Abbey of Kluny, France na noon ay sentro ng mga religious at cultural activity sa Europa. Lumaganap ito sa iba’t ibang bansa hanggang sa magpasiya ang Simbahan na ipagpatuloy ang nasabing kaugalian. At upang lalong mabigyan ng kahalagahan, ipinasiya ni Pope Benedict XV na ang lahat ng mga pari sa buong mundo ay magmisa ng tatlong beses tuwing ika-2 ng Nobyembre na sa kalendaryo ng Simbahan ay Araw ng mga Kaluluwa.
Sa pag-aalay ng mga bulaklak, pagtitirik ng mga kandila at pag-uukol ng mga panalangin, ang tanikala ng buhay ay nag-uugnay sa lahat ng mga salinlahi. Nagpapakilalang ang pagmamahal at pagpapahalaga sa alaala ng mga namayapang mahal sa buhay ay hindi nagwawakas sa kamatayan. Isang paraan din ng pagpapakita na kahit na sila ay pumanaw, ang alaala nila ay nananatili sa puso ng kanilang mga inulila. Sa inialay na mga bulaklak at sinindihang mga kandila, ang mga libingan ay tila nagiging siyudad ng mga bulaklak at kandila.
Ang pagdalaw sa mga libingan ay mahalagang tagpuan din sapagkat pinaniniwalaan na habang tayo’y nakatunghay sa libingan ng mga namayapa nating mahal sa buhay, sila man ay nakatunghay din sa atin mula sa kinalalagyan ng kanilang walang kamatayang kaluluwa.
Nagpapagunita ang Todos los Santos sa katiyakan ng kamatayan. Sa katotohanan na hiram lamang sa Dakilang Lumikha ang buhay ng tao. Iisa ang kapalaran ng lahat ng tao. Isinisilang at namamatay. Ang pinagkakaiba lamang ay ang landas na dinaraanan ng bawat isa sa atin mula sa pagsilang hanggang sa huling sandali ng buhay. Tulad ng pagsikat ng araw ay isang pandaigdig na katotohanan. Hindi maiiwasan ng tao, gaano man siya kayaman, kahirap o kadugong mahal. Pulitiko, Papa at Cardinal man.
Sa paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay, katotohanan din at nagaganap ang paniwala na ang isang pamayanan o komunidad ay binubuo hindi lamang ng mga nabubuhay ngayon kundi ng mga nakalipas na salinlahi o henerasyon at ng mga susunod pa. At sa pag-aalay ng mga bulaklak, pagtitirik ng mga kandila at pag-uukol ng mga dasal para sa mga namayapa, ang tanikala ng buhay ay nag-uugnay sa lahat ng mga salinlahi. Ang Todos los Santos at ang Araw ng mga Kaluluwa ay tradisyon na nag-uugnay sa mga nabubuhay at namayapa.