SA mga sumunod na taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahati ang mundo sa pagitan ng mga demokratiko sa Kanluran, na pinangunahan ng Amerika, at ng mga bansang Komunista sa pangunguna naman ng Soviet Union at ng papaalagwa na noon na China. Matatag na pumanig ang Pilipinas sa Amerika, kung saan sumailalim ang bansa bilang kolonya nito sa loob ng kalahating siglo at inayudahan pa upang mapalaya mula sa Japan.
Hanggang ngayon, nananatiling malapit at matatag ang ugnayan ng Pilipinas sa Amerika. Mahigit isang milyong Pinoy ang nakatira at nagtatrabaho sa Amerika, at ang nasabing bilang ay iyon lamang may kaukulang mga dokumento. Wala marahil pamilya sa Pilipinas na walang kaanak na naninirahan sa Amerika sa ngayon.
Gayunman, simula noong nakaraang taon ay nagpatupad na ng malalaking pagbabago ang administrasyong Duterte sa ugnayang panlabas ng Pilipinas, at malinaw itong napatunayan sa pulong nitong Martes sa Clark sa Pampanga, kung saan hinarap ni Pangulong Duterte ang mga foreign minister ng Amerika, Russia, China, at Australia, upang personal silang pasalamatan sa ayudang kanilang ipinagkaloob para mawakasan na ang digmaan sa Marawi.
Ayon sa Pangulo, nagkaloob ang Russia at China ng mga armas habang nagbigay naman ng mahahalagang suportang teknikal at intelligence ang Amerika at Australia. Lumagda si Defense Secretary Delfin Lorenzana at Russian Defense Minister Sergei Shoigu ng Agreement for Military-Technical Cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
Una nang sinaksihan ni Pangulong Duterte, sakay sa isa sa dalawang barko ng Russia na dumaong sa Manila port, ang pagkakaloob ng donasyong 5,000 Kalashnikov assault rifle, 20 Army truck, 5,000 steel helmet, at isang milyong round ng mga bala. Tiniyak ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na walang hidden agenda sa mga gamit ng militar na donasyon ng kanyang bansa. Aniya, walang hangad ang Russia na magkaroon ng dominanteng papel sa Asya; nais lamang nitong paigtingin ang ugnayan nito sa mga bansa sa bahagi nating ito sa mundo.
Nananatiling saklaw ang Pilipinas ng Mutual Defense Pact nito sa Amerika, na pangunahin pa rin nating kaalyado sa bahagi nating ito sa mundo. Subalit sa nakalipas na mga buwan ay naging masigasig na rin ang Pilipinas sa mga hakbangin nito upang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa Russia at China.
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na ang mga donasyong military equipment mula sa dalawang bansa ay magkakaloob ng kaibahan sa pagsasanay at pag-aarmas ng hukbong sandatahan ng Pilipinas. “We get more exposure to different technology as well as techniques, so that should be a welcome addition,” aniya.
Sa mas malawak na pagsusuri sa usapin, sinasalamin ng mga donasyong military equipment ng Russia at China ang ating pagpupursige para sa isang higit na nagsasariling polisiyang panlabas. Maaaring magsilbi tayong tulay ng kapayapaan at unawaan sa pagitan ng makakapangyarihan ngunit magkakaribal na bansa, na pawang nais patunayan ang kani-kanilang impluwensiya sa mundo sa ngayon.