Hinimok kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na huwag i-post sa social media, gaya ng Facebook, ang kanilang mga plano o pupuntahan ngayong Undas.
Ayon kay PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, magsisilbi lamang itong direktang imbitasyon sa masasamang loobm partikular na sa mga magnanakawa, na looban at pagnakawan ang mga bahay na walang tao ngayong Undas—na karaniwan nang nagsisiuwian sa lalawigan o kaya naman ay nagbabakasyon sa ibang lugar ang publiko.
“I also want o give advice to the public not to go to the cemetery and leave your house unattended. The Akyat Bahay would be feasting if you do so,” sabi ni dela Rosa.
Una nang nagbabala ang pulisya na ginagamit ng ilang kriminal ang social media sa paghahanap ng puntirya nilang biktimahin, kaya naman paulit-ulit na pinapayuhan ng mga awtoridad ang netizens na huwag kumpirmahin ang friend request invitation ng mga taong hindi personal na kakilala.
Ayon sa mga cybercrime expert, nakagawian na ng ilang netizens na i-post ang mga plano at kinaroroonan nila sa social media, partikular na sa Facebook.
Payo ni dela Rosa, makabubuti para sa isang pamilya na huwag magsabay-sabay sa pagbisita sa sementeryo para hindi maiwan ang bahay na walang tao, o kaya naman ay ihabilin ang tirahan sa kaanak, kaibigan, o kapitbahay na pinagkakatiwalaan.
“We can also coordinate, there should be village defense force in the subdivisions and barangays to conduct patrol in residential and commercial areas while people in the community are in the cemetery,” sabi pa ni dela Rosa.
Ayon sa PNP Chief, handa na ang pulisya sa paggunita ng bansa sa Undas, at idinagdag na mayroon na silang security template dahil taun-taon naman na nila itong ikinakasa sa buong bansa ang pagpapatupad ng seguridad tuwing Undas. - Aaron B. Recuenco