MAAGANG paghahanda ang isinasagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa hosting ng Pilipinas sa darating na 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay PSC Commissioner Arnold Agustin, pinaghahandaan na ng ahensiya ang pagpapaayos sa tatlong posibleng maging venues ng mga laro para sa nasabing biennial meet tulad ng Rizal Memorial Coliseum sa Manila, ULTRA sa Pasig at ang Philippine Arena sa Bulacan.
“Sa ngayon pinaghahandaan ng PSC na maayos ang mga venues para maging Olympic standard yung mga sports facilities natin. Siyempre gusto natin na maging maganda din ang outcome ng hosting ng Pilipinas for this coming SEA Games,” pahayag ni Agustin.
Sa kasalukuyan, tatlo pa lamang ang nasabing venues na siyang posibleng magamit para sa kompetisyon, ngunit posible pa rin umano na maragdagan ang mga venues na ito.
“May mga posibleng venues pa na pwedeng magamit pero tinitingnan pa namin kung alin ‘yung puwede madevelop pa,” ani Agustin.
Samantala, sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco sa atleta na ang pagtanggap ng cash incentives ay may kaakibat na responsibilidad.
Ito ang mensahe ni Cojuangco sa mga atleta na tumanggap ng cash incentives mula sa matagumpay na kampanya sa Asian Indoors and Martial Arts Games and Para Games.
Sinabi ni Cojuangco na hindi lamang sa pagtanggap ng incentives natatapos ang responsiblidad ng mg atleta sa bayan, kundi sa paggamit sa nasabing insentibo sa mabuting paraan.
“There is a corresponding responsibilities with the cash incentives. You have to payback what the country have helped you,” ani Cojuangco. “Kailangan gamitin ninyo sa maayos at tamang paraan ang mga natanggap ninyong incentives para sa magandang bukas.” - Annie Abad