Bahagyang kumaunti ang mga Pilipinong naniniwala na mahihirap na drug suspects lang ang napapatay sa anti-drug campaign ng pamahalaan, base sa resulta ng ikatlong bahagi ng 2017 Social Weather Stations (SWS) survey.

Sa non-commissioned survey na isinagawa noong Setyembre 23-27 sa 1,500 respondents, 54 porsiyento ng mga Pinoy ang sumasang-ayon na “rich drug pushers are not killed; only the poor ones are killed (31% strongly agree, 23% somewhat agree).”

Dalawampu’t limang porsiyento naman ang ‘di sumasang-ayon (12% ang bahagyang ‘di sang-ayon, 13% ang matinding ‘di sang-ayon), habang 21% ang undecided.

Ito ay may katumbas na net agreement score (bilang ng sumang-ayon minus sa bilang ‘di sumang-ayon) na +29, na itinuturing ng SWS na “moderately strong.”

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ito ay walong puntos na mas mababa at bumaba mula sa “very strong” +37 (60% agree, 23% disagree) sa survey noong Hunyo 2017.

Ayon sa SWS, ang +50 pataas ay “extremely strong;” +30 hanggang +49, “very strong;” +10 to +29, “moderately strong;” +9 to –9, “neutral;” -10 to -29, “moderately weak;” -30 to -49, “very weak;” at -50 pababa, “extremely weak.”

Ipinapakita nito na sa Metro Manila ang may pinakamataas na bilang na napapatay na drug pusher sa naitalang +49 (70% agree, 21% disagree) noong Setyembre, o 12-point decline, at mas mababa ng isang grado, mula +61 (75% agree, 14% disagree) noong Hunyo 2017. - Ellalyn De Vera-Ruiz