Ni MARTIN A. SADONGDONG
Iniimbestigahan na ng awtoridad ang pagkamatay ng Grab driver na binaril ng hindi pa nakikilalang armado sa Pasay City kamakailan, kasabay ng panawagan ng Grab management na kilalanin at tugisin ang pumatay sa “Good Samaritan”.
Kinilala ni Chief Inspector Rogelio Hernandez, chief investigator sa Pasay police, ang biktima na si Gerardo Maquidato Jr., 37, of Barangay Culiat, Tandang Sora, Quezon City. Siya ay binaril sa kahabaan ng Bonanza Street, Barangay 189 nitong Huwebes.
Sa isang pahayag nitong Sabado, isiniwalat ng Grab na isa si Maquidato sa kanilang driver-partners, at rehistradong Grab driver ng silver Toyota Innova (YV 7109).
Base sa police report, isang saksi, tumangging magpabanggit ng pangalan, ang nakarinig ng putok ng baril habang ito ay nasa loob ng money express center, dakong 7:45 ng gabi.
Makalipas ang ilang sandali ay nakita ng saksi na inilalabas ang biktima mula sa likod ng passenger seat ng isang gray Toyota Innova. Isang tama ng bala sa likod ng ulo, na tumagos sa kaliwang mata, ang tinamo ng biktima.
Hindi nakita ng saksi ang mukha ng suspek na humarurot, gamit ang tinangay na sasakyan, patungo sa direksiyon ng Cesna Street.
“Sa ngayon under investigation pa ito, ina-identify pa natin ‘yung suspek pero ang tinitingnan naming motibo ay carnapping,” pahayag ni Chief Insp. Hernandez sa panayam kahapon.
'GOOD SAMARITAN
Sinabi ng Grab management na si Maquidato ay isa sa kanilang driver-awardees noong Oktubre, 2016 matapos kilalanin ang kanyang pagsakay sa isang may sakit na pasahero nang hindi sinisingil.
“Divine Lactao Ornum, booked a GrabCar for her sister, Prima, who was on her way to Quezon City to pick up bags of blood for her dialysis. Maquidato was in the area and was less than a minute away. Maquidato picked her up but did not ask for payment for the trip out of kindness,” paggunita nito.
“He enjoyed the praises of thousands of Filipinos after his good deed went viral because of a Facebook post from the passenger’s family,” ayon sa Grab.