Ni YAS D. OCAMPO

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pahirapan na ngayon para sa mga awtoridad ang pagtunton sa mga transaksiyon ng ilegal na droga, dahil hi-tech na ngayon ang mga drug dealer, na gumagamit na ngayon ng bank transfer at mga remittance agency sa pagbebenta ng droga.

Nagsalita nitong Biyernes sa 25th Homecoming ng Center for Brighter Beginnings sa Davao Convention Center sa Davao City, sinab ni Pangulong Duterte na electronic na ngayon ang modus operandi ng mga drug dealer.

Binanggit ng Presidente ang paksa nang ilahad niya na mayroong “twist” sa kontrobersiyal na kaso ng pagpatay sa 17-anyos na estudyanteng si Kian delos Santos sa Caloocan City noong Agosto.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Gayunman, tumanggi ang Pangulo na magdetalye pa dahil iniimbestigahan na ang kaso.

“De-deliver tapos mawala. Tapos na ang transaction. Kinabukasan, bangko na ‘yan,” sabi ng Pangulo.

Aniya, ini-report sa kanya ng mga awtoridad na naging pahirapan na para sa kanila ang pagtunton sa bentahan ng ilegal na droga, dahil may mga kaso umano na hindi na sangkot sa transaksiyon ang aktuwal na abutan ng pera.

“Wala na iyong marked money na iyon. Bangko or iyong mga padala sa… iyong mga transmittal, ‘yan ang ginagamit,” sabi ni Duterte. “Makes it doubly hard for us really to catch them, ‘yan ang uso ngayon, eh.”

Nagtalumpati ang Pangulo sa harap ng mga estudyante at mga alumni ng eskuwelahan, kasama ang mga opisyal at kawani ng paaralan at mga magulang ng mga estudyante.

Kinausap din niya ang mga bata at ipinaliwanag na may dahilan ang mga karahasang nangyayari ngayon sa bansa—at ito ay upang ipaglaban ang kapakanan at kaligtasan ng kabataan.