NAKIKIPAGTULUNGAN ang Pilipinas sa ibang mga bansa upang mas maprotektahan ang dalawang nanganganib maglahong migratory bird na dumaan sa bansa habang naglalakbay papunta sa East Asian-Australasian Flyway (EAAF).
Inaapura ang pagbibigay ng proteksiyon sa populasyon ng Christmas Island frigatebird (Fregata andrewsi) at Yellow bunting (Emberiza sulphurata) dahil sa pagkaunti ng bilang ng mga nasabing ibon dulot ng pagkawala ng kanilang tirahan at iba pang bagay, ayon sa chief science research specialist na si Dr. Simplicia Pasicolan mula sa Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang dalawang ibon ay kasama sa migratory species na kabilang sa isinusulong ng Pilipinas na maibahagi sa Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals (CMS) upang mapaigting ang proteksiyon sa mga ito, ayon kay Dr. Pasicolan.
“Our resolution seeks collaboration with the Australian government and other range countries where substantial numbers of the Christmas Island frigatebird occurs,” sinabi ni Dr. Pasicolan sa CMS’ 12th Conference of Parties (COP 12) nitong Miyerkules.
Aniya, ang mga bansang kabilang dito ay ang Indonesia, Malaysia at Thailand. Sinabi rin ni Dr. Pasicolan na layunin ng Pilipinas na makipagtulungan sa Japan sa paglulunsad ng mga pinag-isang hakbangin upang maprotektahan ang Yellow bunting.
Kabilang sa planong ito ang pagbabantay sa breeding range ng Yellow bunting, aniya. Ikinokonsidera ng Red List of Threatened Species ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) ang Christmas Island frigatebird at Yellow bunting na mga critically endangered o delikado sa tuluyang paglalaho.
Ayon sa Biodiversity Management Bureau (BMB) ng Pilipinas, ang migratory species ay mga hayop na paulit-ulit na naglalakbay sa isa o higit pang bansa dahil sa panahon, pagkain o pangangailangan sa pagpaparami.
Naglalakbay ang migratory birds taun-taon mula sa breeding grounds hanggang sa non-breeding areas, kabilang ang kanilang lugar ng pahingahan at pagkukunan ng pagkain at ang lugar kung saan sila lumilipat, ayon sa mga eksperto.
Ayon sa mga eksperto, nahaharap ngayon sa krisis sa EAAF ang migratory water birds dahil sa pagkawala ng kanilang tirahan, partikular sa coastal wetlands at intertidal areas.
Binigyang-diin ni UNEP Exec. Dir. Dr. Erik Solheim na kailangang protektahan ang mga naturang species sa buong mundo, at sinabing ang pagkawala ng mga ito o tuluyang pagkaubos ay makaaapekto sa kapaligiran. - PNA