Magbubukas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga special lane sa EDSA para sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit sa susunod na buwan.
Sinabi ni Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, na maglalagay sila ng mga plastic barrier na hahati sa dalawang inner lane ng EDSA para eksklusibong magamit ng mga sasakyang magbibiyahe sa mga dayuhang pinuno at delegado na dadalo sa ASEAN Summit dalawang linggo mula ngayon.
“This early we are advising motorists not use the ASEAN lanes as these are for the swift passage of the delegates,” sinabi ni Nebrija nang kapanayamin sa radyo.
Sa convoy dry-run kahapon, sinabi ni Nebrija na tinutunton ng convoy ang dadaanan ng mga delegado ng ASEAN na inihiwalay ng mga plastic barrier na inihilera sa EDSA, at may pagitang 30 metro bawat isa.
Gayunman, ilang motorista ang nalito at aktuwal pa ngang gumamit ng ASEAN lanes.
“The distance of the barriers are wide enough for motorists to exit anywhere. Let us follow traffic enforcers that will order you to exit five minutes before the convoy passes through,” sabi ni Nebrija.
Sinabi ni Nebrija na naging matagumpay ang huling convoy dry-run na ginawa kahapon.
Inihayag din ng MMDA na paiiralin ang lockdown sa mga motorista at pedestrian sa SMX Convention Center sa Pasay City simula sa 10:00 ng gabi sa Nobyembre 11, habang buong CCP Complex naman ang isasara sa Nobyembre 12.
Bandang 12:01 ng umaga hanggang tanghali ng Nobyembre 13 naman isasara ang Roxas Boulevard, mula Buendia Avenue hanggang P. Burgos, at ipagbabawal ang lahat ng truck at closed van sa SCTEX, NLEX (mula Clark hanggang Balintawak), at EDSA (mula Balintawak hanggang Magallanes) sa Nobyembre 11-15. - Anna Liza Villas-Alavaren at Bella Gamotea