Ni: Erwin Beleo

SAN JUAN, La Union – Labintatlong lokal na turista, kabilang ang apat na menor de edad, ang dinakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang itimbre ng ilang residente sa mga awtoridad ang namataan nilang pot session ng mga ito sa dalampasigan sa kasagsagan ng Surfing Break party sa Barangay Urbiztondo sa San Juan, La Union maghahatinggabi nitong Sabado.

Ayon kay Besmark Bengwayan, ng PDEA, tumanggap sila ng mga report mula sa isang negosyante na ilang lalaki ang gumagamit ng ilegal na droga habang nagpa-party sa dalampasigan.

Kinilala ang mga inaresto na sina Mark Fajardo, Amiel John Amoroso, Daryl Asong, Andy Lou Bueno, Angie Laranang Abacco, Joma Sison, Leomar Liddaway, Daryl Insulia, at Prince Israel Ambrosio, nasa edad 19-24. Pawang menor de edad ang apat na iba pa.

Probinsya

Walo sa 10 biktima sa SCTEX road crash, patungong 'children's camp’

Nakumpiska umano mula sa 13 ang tatlong self-sealing transparent plastic sachet, isang bukas nang plastic sachet na may hinihinalang pinatuyong marijuana, at apat na stick ng hinihinalang marijuana. Nasa 30 gramo ng hinihinalang dried marijuana ang nasamsam sa mga suspek, bukod pa ang ilang drug paraphernalia.

Kinumpirma naman ni Ericson Valdriz, chairman ng Bgy. Urbiztondo, na pawang hindi residente sa lugar ang 13 naaresto.

“Pawang dayo sila at mga beach goers na galing sa iba’t ibang lalawigan,” ani Valdriz.

Nakapiit na ang mga suspek sa PDEA regional office sa Bgy. Carlatan, San Fernando City, La Union habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.