(Unang bahagi)
ni Clemen Bautista
SA liturgical calendar ng Simbahan, mahalaga, natatangi at isang pulang araw ang unang araw ng Nobyembre sapagkat ipinagdiriwang ang “Todos los Santos” o All Saints' Day. Ito ay binibigyang-halaga ng lahat ng mga banal kasama na ang mga hindi nabigyan ng pangalan. Ngunit para naman sa mga Kristiyanong Pilipino, ang unang araw ng Nobyembre ay iniuukol sa paggunita sa mga namayapa nilang mahal sa buhay.
Tinatawag itong Araw ng mga Yumao. Isang tradisyong nakaugat na sa kultura ng mga Pilipino. Itinuturing na isang mahalagang holiday ng mga Pilipino. Nagsisiuwi sila sa kani-kanilang lalawigan na roon nakalibing ang kanilang mga mahal sa buhay. Makita ang kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. At sama-samang ipagdasal ang mga mahal sa buhay na namayapa—isang pambihirang katibayan ng matatag na pagpapahalaga sa pamilya.
Ang tradisyon ng paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay ay isang sagisag ng matibay na ugnayan ng mga nabubuhay at ng mga namayapa. Nagpapakilalang ang pagmamahal at pagpapahalaga sa gunita at mga alaala ng namayapang mahal sa buhay ay hindi nagwawakas o natatapos sa kamatayan.
Ayon sa kasaysayan, mula noong ikatlong siglo sa panahon ni Emperador Diocleciano ay naging kaugalian na ng mga Kristiyano ang parangalan sa ilalim ng katakumba ang lahat ng mga martir ng pananampalataya. Sa panahon naman ni Emperador Agripa, sa layuning magkaroon ng isang bantayog at karangalan ang Roma sa daigdig, nagpatayo siya ng isang malaking “Pantheon” o templo na inilaan sa lahat ng mga diyos-diyosan ng Imperyo Romano. Ngunit nang malansag ang imperyo, ang “Pantheon” ay ginawa ni Papa Bonifacio IV na templo-kristiyano para sa Mahal na Birhen at lahat ng mga martir.
Makalipas ang ilang panahon, Nobyembre 1, 835, ay ipinalipat naman ni Papa Gregorio III sa nasabing templo ang mga buto at relikya ng lahat ng mga santo at santa sa katakumba. Inilaan iyon sa karangalan ng lahat santo at santa sa langit. Dito nagsimula ang pagdiriwang sa lahat ng mga santo at santa na sa kastila ay TODOS LOS SANTOS. Sa ibang lugar ng ating bansa, tinatawag na UNDAS na hango sa mga salitang “Honras de Funebre” na ang kahulugan ay parangalan ang libing.
Tuwing sasapit ang ganitong panahon, ang bawat isa ay may layunin at alaala sa pagtungo sa mga libingan, memorial park at iba pang pook na pinaglagakan ng katawang lupa o ng mga abo ng mga namayapa. At halos isang linggo pa bago sumapit ang unang araw ng Nobyembre, marami nang tao ang nagtutungo sa mga sementeryo. Unti-unting nililinis ang mga puntod. Dahil dito, ang dati ay mapanglaw at malungkot na mga libingan ay nagkakaroon ng galaw ng buhay.
Sa darating na unang araw ng Nobyembre, minsan pa, magninilay at taimtim na mag-ukol ng dasal para sa katahimikan ng kaluluwa ng mga namayapang mahal sa buhay. Kasabay nito ang pagtitirik ng mga kandila at pag-aalay ng mga bulaklak sa puntod at libingan ng namatay. Isipin ang maliligayang sandali noong sila ay kapiling pa. Ang mga nagawa nilang kabutihan hindi lamang sa atin, kundi sa ating kapwa.