Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Sa bibihirang eksena, maayos na ipinaliwanag ni Pangulong Duterte sa mga bata ang kanyang mga ginagawa bilang presidente ng bansa nang harapin niya ang mga ito sa dinaluhan niyang event sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

Bago simulan ang kanyang talumpati para sa ika-25 anibersaryo ng Center for Brighter Beginnings, ipinaliwanag ng Pangulo kung bakit madalas siyang mapanood ng mga ito sa telebisyon na nagagalit.

“Alam mo bakit minsan nakikita ninyo ako nagagalit sa TV? Kasi ‘yung mga bad people, ayaw ko sila dito sa mundong ito,” paliwanag ng Pangulo sa mga bata. “Kaya gusto ko silang mawala para walang gugulo sa buhay ninyo.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Aniya, gusto lamang niyang tiyakin na maayos at ligtas ang Pilipinas na kalalakihan ng mga bata.

“At ‘pag lumaki na kayo kagaya ng mama mo, pati papa mo, ang buhay ninyo hindi masyadong problema. Walang gulo, walang mag-snatch, walang mag-kidnap, wala lahat,” ani Duterte.

“Gusto ko ‘yung mundo na para sa matino lang. ‘Yung hindi matino, eh, magkakaroon tayo ng problema diyan. Magagalit talaga ako.

“Sabi ng iba, bad boy daw ako kasi sinasaktan ko daw ‘yung mga taong masama at minsan, sabi nila, ipinapadala ko sila sa Heaven. Mauna na sa atin, kaya ganun.”

Sinabi ni Pangulong Duterte na gumaganap lamang siya sa kanyang trabaho sa gobyerno.

“Ang akin pong trabaho is to protect the people at ‘yung ating bayan, to preserve it as the Philippines,” sabi pa ni Duterte. “‘Yan ang the long and short of my presence here. Ang trabaho [ko] ay ang protektahan kayo at ating society.”