Nangako si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na paiigtingin niya ang pagtugis sa mga police scalawag hanggang sa natitirang tatlong buwan niya sa serbisyo.
“It’s either they will go on the day of my retirement, or it would be earlier. But I am inclined to kick these erring policemen before my retirement,” sabi ni dela Rosa, na nakatakdang magretiro sa Enero 2018.
Sa ngayon, nakatutok si dela Rosa sa anim na pulis na naakusahang gumahasa sa isang babaeng bilanggo sa himpilan ng Olongapo City Police limang buwan na ang nakalipas.
Nagsampa na ng kaso ang nasabing bilanggo laban sa anim na pulis matapos itong mailipat sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“We have already acted on that accordingly and they will be held responsible for it,” ani dela Rosa. “Although it happened five months ago, that is still a crime so we will focus on this so that these people would be given a lesson.” - Aaron Recuenco