INIHAYAG ng bagong luklok na si Health Secretary Francisco Duque III na bibigyang prayoridad ng kanyang kagawaran ang pagtatayong muli ng mga imprastrukturang pangkalusugan sa nawasak na siyudad ng Marawi City.
“Ang priority program natin ngayon is to help rebuild Marawi City,” lahad ni Duque nang tanungin tungkol sa kanyang mga prioridad nang kapanayamin nitong Biyernes, isang araw matapos siyang italaga sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ad interim health chief.
“Masigasig kami na matugunan ‘yan, lalo na ‘yung mga nasirang health delivery infrastructure,” dagdag niya.
Kabilang sa mga imprastrukturang pangkalusugan sa Marawi na kailangang maitayo ay ang mga rural health unit (RHU) at barangay health station (BHS), gaya ng mga RHU sa Barangay Kapantaran at sa Barangay Fort, at 23 BHS.
Sa ibang panayam, inihayag naman ni Gloria Balboa, director ng Health Emergency Management Bureau (HEMB) ng Department of Health, na ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi ay nagsimula nang magbukas 24/7 upang tugunan ang emergency, operation, pharmacy at laboratory services.
Sinabi ni Balboa na pakay din ng kagawaran ang tugunan ang problema sa malnutrisyon sa siyudad, at nagbibigay din sila ng bakuna, vitamins at mineral supplements.
Kasama ang Department of Social Welfare and Development, magtatayo rin ang DoH ng mga help desk na magbibigay ng psychological first aid at psychotropic drugs para sa mga may sakit sa pag-iisip.
“Those with the potential to suffer from mental illness are being referred to psychiatrists in higher-level hospital facilities,” ani Balboa.
Aniya, pagtutuunan din ng Department of Health ang pagpapababa sa maternal mortality rates, at tinatrabaho ang mas mainam na PhilHealth benefit packages sa pagdadagdag ng pondo at sustainability nang hindi itinataas ang kontribusyon, at pagpapaigting ng mga programa at serbisyo sa drug rehabilitation. - PNA