Aabot sa apat na menor de edad ang iniligtas ng pulisya mula sa umano’y online sexual exploitation sa Barangay Dumlog, Talisay City, Cebu.

Nitong Biyernes, inihayag ni Regional Anti-Cybercrime Office (RACO) Director for Central Visayas Chief Insp. Leo Dofiles, na inaresto si Anna (hindi tunay na pangalan) dahil sa umano’y pagpapadala ng hubad na larawan ng dalawa niyang nakababatang kapatid na babae, edad 16 at 17, sa mga kliyente online.

Aniya, nakikipagtransaksiyon si Anna sa mga dayuhang kliyente sa pamamagitan ng Facebook Messenger, at aabot sa P5,000 ang halaga ng bawat batch ng ipadadalang hubad na larawan.

Sinabi ni Dofiles na minamanmanan nila si Anna simula pa noong Setyembre ngayong taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Upang tuluyang maaresto, nagpanggap ang isang miyembro ng RACO bilang Caucasian customer at nakipagtransaksyon sa 20-anyos na si Anna sa social media platform upang bumili ng hubad na larawan ng dalawa nitong kapatid na kapwa estudyante.

Iniligtas din sa anti-cybercrime operation ang dalawang taong gulang at siyam na buwang anak ni Anna, at inaalam na ng RACO kung nabiktima rin ang dalawa sa transaksiyon ng suspek.

Iniligtas ang apat na menor de edad at nasa kustodiya na ang Department of Social Welfare and Development sa Central Visayas.

Nahararap si Anna sa kasong paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act), RA 9775 (Child Pornography Act), RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act), at RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons of 2012). Hindi maaaring magpiyansa ang suspek. - Kier Edison C. Belleza