ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, nagsimula na ang Prison Awareness Week na may temang, "Affirm an Option for Love, Work for Justice that Heals." Sa Filipino, pagtibayin ang pagpili sa pag-ibig, magsikap para sa katarungang naghihilom.
Isang linggo bago ang Prison Awareness Week, bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Camp Bagong Diwa, isang malaking bilangguan sa Taguig. Pinuri niya ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa maayos na kalagayan ng mga bilanggo sa kabila ng kakarampot na budget ng ahensiya. Gayunman, problema pa rin ang pagkakaroon ng sapat na espasyo para sa mga nakapiit, kayat nangako ang Pangulo na magpapatayo ng karagdagang gusali upang mabawasan ang siksikan. Magbibigay din umano siya ng mga telebisyon para may libangan ang mga nakakulong.
Ngunit malayo sa kalagayan sa Camp Bagong Diwa ang sitwasyon sa karamihan ng mga bilangguan sa ating bansa. Base sa report ng Commission on Audit (CoA), overcrowded ang ating mga bilangguan—limang beses na mas marami kaysa kapasidad o sa bilang ng mga bilanggong kayang tanggapin ng mga ito. Noong natapos ang 2016, mahigit 120,000 inmates ang pinangangasiwaan ng BJMP, gayong nasa 20,000 lamang ang kapasidad nito. Nawa’y hindi mapako ang pangako ng Pangulo sa mga nasa Camp Bagong Diwa, at sana’y ganito rin ang kanyang ipagawa sa iba pang bilangguan sa buong bansa.
Maraming beses nang itinampok sa mga pahayagan at dokumentaryo sa telebisyon ang kaawa-awang kalagayan ng mga kababayan nating nakakulong. Mayroong nagsasalitan sa pagtulog dahil hindi sila kasya sa kanilang selda. May iniulat pang sa hagdan natutulog. Dagdag pa ng CoA, hindi mabawas-bawasan ang mga bilanggo dahil sa mabagal na pag-usad ng mga kaso at kakulangan ng mga hukom na didinig sa mga ito. Lumalâ pa ang kalagayan sa mga kulungan dahil sa dami ng mga naaresto kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyon.
Hindi lamang overcrowding ang problema sa ating mga bilangguan. Kulang din sa pagkain at serbisyong medikal na mahalaga para sa kalusugan ng mga bilanggo dahil sa kabila ng kanilang pagkakasala sa batas, mga tao silang may dignidad. Nakalulungkot na may mga nagkakaroon ng matinding sakit at namamatay dahil sa kawalan ng sapat na bentilasyon at pagkain. Marami rin sa mga bilanggo ang hindi na dinadalaw ng kanilang mga mahal sa buhay, at malaki ang epekto ng pangungulila sa kanilang sikolohikal na kalusugan.
Ngayong Prison Awareness Week, pinapaalalahanan tayong hindi dapat ginagawa ang pagbibilanggo para lamang parusahan ang mga taong lumabag sa batas. May mas malawak, malalim, at makataong layunin ito—ang hilumin ang pagkasirang tinamo ng bilanggo dahil sa krimeng nagawa, ang ibsan ang sakit na naidulot sa pamilya, at ang buuing muli ang ugnayan ng nagkasala sa kanyang komunidad. Ito ang ibig sabihin ng “justice that heals”.
Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa mga bilanggo sa Argentina noong Agosto, “...for the punishment to be fruitful, it must have a horizon of hope.” Magiging mabunga ang pananatili sa loob ng piitan kung naghahatid ito ng pag-asa—sa halip na pagdurusa—sa mga nakapiit. Hindi dapat makabawas sa dignidad ng mga bilanggo ang pananatili nila sa kulungan, kayat napakahalaga ng mga programang pangkabuhayan, pang-edukasyon, at formation para sa mga inmates. Kung walang pag-asang sila’y muling makababalik sa kanilang komunidad, para na rin silang tinorture.
Sa kabila ng negatibong pagtingin ng lipunan sa mga taong nasa bilangguan ay mga kwento ng pag-asa, ng pagsusumikap na magbagong buhay. Posible ito kung pipiliin natin ang pag-ibig, ang pagturing sa mga kapatid nating nakakulong bilang mga tao, at ang katarungang hindi nagpaparusa kundi naghihilom.
Sumainyo ang katotohanan.