Aabot sa 5,300 unipormadong pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga sementeryo sa Metro Manila upang magbigay ng seguridad sa publiko sa Undas sa Nobyembre 1-2.
Ito ay bahagi ng pagtitiyak ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde na ligtas ang paggunita sa Undas 2017 sa Metro Manila.
Simula ngayong Linggo, nagtalaga na ang NCRPO ng skeletal forces sa mga sementeryo, katuwang ang 1,900 barangay tanod at civilian volunteers.
Muling nilinaw ni Albayalde na nananatiling walang namo-monitor na banta ng kaguluhan o terorismo sa Metro Manila sa Undas, gayundin sa pagdaraos ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Nobyembre.
Samantala, nagtalaga na rin ng ambulant tellers ang pamunuan ng South Luzon Expressway (SLEX) upang pabilisin ang biyahe ng magsisiuwian sa lalawigan sa Southern Luzon, partikular sa mga choke point sa southbound lane sa Calamba Exit, Ayala-Greenfield Exit, at Sta. Rosa Exit patungo sa Tagaytay.
OPLAN BIYAHENG AYOS
Kaugnay nito, pinakilos din ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang lahat ng transportation agencies sa pagpapatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2017” simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 6.
Pinatututukan din ni Tugade ang pagbabantay sa lahat ng transport terminal upang maiwasan mahahabang pila ng magsisiuwiang pasahero.
Samantala, upang mapanatili ang kalinisan sa loob ng Manila North at South Cemeteries, magtatalaga ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng mga street sweeper sa loob ng dalawang pampublikong sementeryo.
Ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, ang cleanup teams ay bukod pa sa mga tauhan ng Manila City Hall na ilang araw na nagkasa ng clearing operations sa mga bangketa at kalsadang patungo sa dalawang sementeryo.
'HALLOWASTE MONSTER'
Maglilibot din sa Manila North Cemetery ang “HalloWaste Monster” ng grupong EcoWaste Coalition upang paalalahanan ang publiko na huwag magkalat sa pagbisita sa sementeryo.
“Ilalabas namin bukas ang aming HalloWaste monster upang paalalahanan ang publiko na ang sementeryo ay ‘di basurahan,” sinabi kahapon ni Aileen Lucero, national coordinator ng EcoWaste Coalition.
Nabatid na noong nakaraang taon ay mahigit 20 truck ng basura ang hinakot ng mga tauhan ng Manila Department of Public Safety at MMDA mula sa Manila North Cemetery. - Bella Gamotea, Jun Fabon, at Mary Ann Santiago