PANGASINAN - Napatay sa engkuwentro ang limang miyembro ng robbery group na bumibiktima sa mga gasolinahan sa Pangasinan at mga karatig probinsiya.
Sa tinanggap na ulat kahapon mula sa Pangasinan Police Provincial Office, nagsasagawa ng operasyon para tugisin ang miyembro ng robbery group nang sumiklab ang engkuwentro sa RDT Hotel sa Espiritu Street sa Poblacion District II, Pozorrubio, Pangasinan.
Dakong 12:30 ng tanghali nitong Biyernes nang i-monitor ng mga pulis-Pozorrubio ang lugar ng mga suspek kasama ang Mangaldan Police, Urdaneta City Police, Cabuyao (Laguna) Police, at Detective Unit ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) ng Police Regional Office (PRO)-4A, Pangasinan Investigation Branch, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 1, at Anti-Illegal Gambling Task Force Group.
Nauwi sa engkuwentro ang operasyon makaraan umanong manlaban ang mga suspek.
Napatay ang lima at narekober umano sa mga ito ang iba’t ibang armas at isang itim na Toyota Fortuner na walang plaka.
Hindi pa naidetalye ang iba pang bagay na nakuha sa pinangyarihan ng krimen habang isinusulat ang balitang ito.
Masusing imbestigayon ang isinasagawa ngayon para matukoy ang pagkakakilanlan ng limang napatay, na hinihilang sangkot sa serye ng robbery hold-up sa Pangasinan. - Liezle Basa Iñigo