Ni: Ric Valmonte
MAGANDA ang pagkahanay ng dalawang balita sa isang pahayagan. Ang unang balita ay may kaugnayan sa pagsisimula ng novena para sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJK). Ang ikalawang balita ay ang ulat na nagkaloob ng 5,000 rifles ang Russia sa Pilipinas.
Base sa ulat tungkol sa novena para sa mga EJK victims, sinimulan ng grupo ng mga kababaihang EveryWoman at ni Bishop Pablo David ang novena para sa libu-libong napatay sa buong bansa buhat nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang kanyang madugong giyera laban sa ilegal na droga, noong Martes ng gabi.
Sa San Roque Cathedral, Caloocan City, nagtipon ang mahigit 50 pamilya na ang kanilang miyembro ay napatay sa police operation o sa istilong vigilante kaugnay ng war on drugs. “Ang novena,” wika ni Susan Belindo ng Baigani, miyembro ng EveryWoman, “ay naglalayong kilalanin ang papel ng kababaihan bilang nagbibigay ng buhay at mahalagang nangangalaga sa patuloy na pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.” Ibinuhos ng ilan sa mga nagsidalo sa awit at tula ang kanilang galit sa war on drugs dahil ang tinutadla nito, anila, ay mga dukha.
Sa mensahe naman ni Bishop David, binigyang-diin niya na mahalagang hindi lamang alalahanin ang mga santo o mga taong nagbuhay santo, kundi iyong mga kaluluwang hindi nakakatagpo ng katahimikan. Ang mga ito, aniya, ay ang mga drug suspects na napatay sa drug war, sa operasyon ng pulis o sa kamay ng mga maskaradong armado. “Ipagdasal natin hindi lamang ang mga nasawi,” sabi ng Bishop, “kundi pati ang mga pumatay na hindi naniniwala na dapat bigyan pa sila ng pangalawang pagkakataon.” Tinagurian niya ang mga pumatay na “living dead” na sa pamamagitan ng panalangin para sa kanila ay singilin sila ng kanilang konsensiya.
Iyong balita naman ukol sa pagbibigay ng Russia ng mga rifle sa bansa, sinaksihan ito ni Pangulong Digong. Nakamasid umano ang Pangulo at si Russian Defense Minister Sergei Shoigu sa paglagda ng mga defense official ng dalawang bansa sa deed of donation para sa 5,000 Kalashnikov assault rifles, 1 million rounds of ammunition, 20 multipurpose vehicle, at 5,000 steel helmet sa Philippine military. Una rito, pinagkalooban naman ng China ang bansa ng libu-libong assault at sniper rifles. Noong Enero, hiniling ng Pangulo sa Russia na maging kaalyado ito at protektahan ang bansa. Noong Abril, sinabi naman niya na hindi siya natatakot dahil nasa panig niya ang mga Russian.
Maluwalhating naitatag ng Pangulo ang magandang relasyon ng Pilipinas sa China, Russia Indonesia at iba pang mga bansa sa Asya. Ang hindi ko maintindihan ay bakit pa tayo nag-iipon ng maraming armas? Kahit marami tayong armas, eh inamin naman ng Pangulo na hindi natin kayang makipagdigmaan lalo na sa mga malaki at mayamang bansa tulad ng China na agresibong pinapasok ang pinag-aagawan nating West Philippine Sea.
Ah, mayroon pala iyong sinasabi ng Pangulo na laging may nakaambang panganib sa ating bansa mula sa ISIS at sa mga taong nagkakalat ng doga. Ang mga ito ba ang paggagamitan ng mga nahihingi nating armas? May susunod pa ba sa Marawi sa pareho o ibang dahilan? May Simbahan naman at grupo ng kababaihan, tulad ng EveryWoman, na nagsasagawa at magsasagawa ng novena upang ipagdiinan ang kahalagahan ng buhay at ipaalam na hindi sila magsasawang pangalagaan ito.