Ni: Marivic Awitan

INILABAS ng PBA ang final list ng mga mapapalad na Draft hopefuls na sasalang sa taunang PBA Annual Rookie Draft na idaraos bukas ng hapon sa Robinsons Place Manila sa Ermita.

Nangunguna sa listahan na napili pagkaraan ng dalawang araw na Draft Combine ang mga prospective top picks na sina Fil -German at Gilas Pilipinas standout Christian Standhardinger, Kiefer Ravena, Jason Perkins, Reymar Jose at Jeron Teng.

Kasama rin sa listahan ang ilang matunog na pangalan na gaya ni NAASCU standout Jon Gabriel, Fil-Am Robbie Herndon at Lervin Flores.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kasabay nito, inilabas na rin ng PBA ang order of draft o ang pagkakasunod-sunod ng mga teams sa pagpili ng mga napupusuan nilang mga rookies.

Nagmamay-ari ng overall top pick ay ang Kia Picanto na susundan ng NLEX, Blackwater, Phoenix at Alaska para sa unang limang draft picks sa first round.

Pang-anim namang pipili ang Globalport,pampito ang Rain or Shine at susunod ulit ang Fuel Masters na nakuha ang rights mula sa Meralco sa bisa ng isang trade, bago ang Star bilang pang siyam at TNT Katropa bilang ika-10.

Susunod naman sa kanila ang Barangay Ginebra at pinakahuli ang Katropa buhat sa rights na nakuha sa Phoenix mula sa orihinal na toka ng San Miguel Beer.

Kapwa walang pick sa unang round ang Beermen at ang Bolts.