KINILALA ang Pilipinas bilang isa sa limang “migratory species champions” sa mundo dahil sa hindi matatawarang kontribusyon sa pandaigdigang pagsisikap upang protektahan ang migratory animals, partikular na ang mga whale shark o butanding.
Bukod sa Pilipinas, kinilala rin ng Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals (CMS) ang malasakit sa migratory species ng Abu Dhabi sa United Arab Emirates, ng European Commission, ng Germany, at ng Monaco.
Ang awarding ceremony, na tinawag na “Champions’ Night”, ay ginanap noong Linggo, ang bisperas ng anim na araw na 12th Session of the Conference of Parties to CMS (COP12) na ginaganap sa Maynila simula Oktubre 23 hanggang ngayong Sabado, Oktubre 28.
Tinanggap ni Environment Undersecretary Rodolfo Garcia, bilang kinatawan ng bansa, ang parangal na kumikilala sa Pilipinas sa pagpupursige nito upang mapangalagaan ang mga whale shark o Rhincodon typus sa bansa.
Inihayag ni Garcia, chief of staff ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy A. Cimatu, na ang tinatawag na “gentle giants of the sea” ay naging importanteng bahagi ng lumalaking wildlife tourism industry sa bansa, na nakapag-ambag ng 8.2 porsiyento sa gross domestic product ng bansa.
Inihayag din ni Garcia na umaasa siyang ang Pilipinas at ang iba pang kampeon ng migratory species sa mundo ay magiging inspirasyon sa iba pang partido ng CMS na makikiisa sa pandaigdigang pagsisikap upang mapangalagaan ang migratory species at ang tirahan ng mga ito.
“We need more champions in our continuing fight against wildlife hunting, habitat loss, pollution and wildlife trade,” sabi ni Garcia.