Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Itinanggi ng Office of the Presidential Spokesperson (OPS) na ininsulto nila ang mga mamamahayag sa isang Facebook live video ng Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga.
Ito ay matapos kumalat ang screenshot ng komentong iniwan ng verified Facebook page ng OPS nitong Biyernes. Nakasaad sa komento na may laughing emoji na, “si pia at si loud devera pantay na sa kakupalan,” na ang tinutukoy ay ang Rappler reporter na si Pia Rañada-Robles at TV5 news personality na si Lourd de Veyra.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang komentong iniwan sa nasabing thread ay ginawa ng dating page administrator “who is no longer connected with the Office.”
“The said comment does not reflect the official and personal views of the Presidential Spokesperson or his office on the individuals being referred to,” diin ni Abella.
Aniya, tinanggal na ng OPS Team ang access ng dating Administrator sa page.