SA pagbisita ni United States President Donald Trump sa bahagi nating ito sa mundo sa Nobyembre 13-14, tatalakayin niya ang maraming usapin sa rehiyon na may kinalaman sa Amerika, sa lugar na matagal na nitong pinananatili ang pamumuno at katatagang militar.
Nakapuwesto malapit sa Japan ang aircraft carrier na USS Ronald Reagan kumpleto sa puwersa nito ng mga guided missile destroyer at cruisers. Sa katimugan malapit sa Singapore naman nakapuwesto ang aircraft carrier na USS America na may mga jet fighter at Marine landing aircraft. Nasa malapit naman sa Australia ang USS Bonhomme Richard. Sa mga puwersang ito, hindi na kakailanganin ng Amerika ng anumang lupain na magsisilbing base nito sa Pasipiko.
Sinabi ni President Trump na sa kanyang pagbisita, nais niyang malaman kung ano ang magagawa niya sa trade deficit ng Amerika sa China, ang pinakamaunlad na ekonomiya sa Asya, subalit ang pangunahing inaalala niya ay ang banta ng North Korea, at kailangan ng Amerika ang China upang manatiling kalmado ang nasabing bansa.
Ang mga idaraos na pulong sa Japan, South Korea, China, at Vietnam sa Nobyembre 3-9, at Maynila para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre 10-14 ay tiyak nang tatampukan ng usapin sa North Korea. Ito ay dahil ito ang isyu na may direktang banta sa Amerika sa pinakasimpleng paraan — isang nukleyar na pag-atake sa pamamagitan ng intercontinental ballistic missile.
Nakipagpalitan ng banta ng pag-atakeng nukleyar si North Korean leader Kim Jong Un kay President Trump, bukod pa sa pagbabatuhan ng insulto. Tiyak na mawawasak ang North at South Korea sakaling sumiklab ang digmaan at kinondena na ng Japan ang direktang banta ng mga missile ng North Korea na dadaan sa kanilang bansa patungong Pasipiko. Ngunit sinabi ni Kim na makaaabot na ngayon sa Amerika ang mga missile ng North Korea.
Ang pagbabanta ni President Trump ng “fire and fury” ay sinagot ni Kim ng pagtawag sa pangulo ng Amerika na “mentally deranged”. Nagkaroon pa ng pagkakataong nagkaalitan si Trump at si Secretary of State Rex Tillerson na nanawagan ng diplomatikong solusyon.
Ang iba pang bahagi ng East Asia at Pasipiko ay hindi direktang sangkot sa palitan ng banta, subalit sakaling sumiklab ang aktuwal na digmaan, walang dudang magdurusa ang buong mundo hindi lamang dahil sa radioactive fallout.
Ang pangambang ito ang inaalala ng lahat sa pagpupulong ng mga bansa sa Pasipiko ngayong Nobyembre, kasama si President Trump. Ang serye ng pulong ay magtatapos dito sa Maynila sa ASEAN Summit.
Ang mga kaparehong pulong sa nakalipas na mga taon ay pawang goodwill affairs ng mga pinuno ng nagkakasundong mga bansa, magkakakapit-bisig pa sa mga litrato. Subalit ang isang ito ay tatalakay sa nakaambang trahedya ng digmaang nukleyar at ng malawakang pagkawasak.