Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa video na nag-viral sa social media na mapapanood ang “pagpapahirap” ng mga sundalo sa isang umano’y miyembro ng Maute na sumuko sa kanila.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga sundalo.
“This came out as a surprise,” sinabi ni Padilla sa Mindanao Hour/Bangon Marawi press briefing kahapon ng umaga.
“We’re not sure yet when and how this came out. But and when it was taken. But what is certain is we need to launch an investigation to ascertain the veracity of this video, as well as ascertain who are involved,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Padilla na maaaring nadala lamang ng emosyon ang mga sundalo nang kunan ng video ang insidente.
Gayunman, sinabi niya na mali ang ginawa ng mga ito.
Mapapanood sa video na brief lamang ang suot ng putikang lalaki bilang patakaran upang siyasatin kung may itinatago itong pampasabog o armas.
“He was being taunted and some could not hide their emotions perhaps because he was believed to be part of the enemy who killed some of our soldiers,” sinabi ni Padilla. “The Armed Forces is very strict regarding the treatment of captives in a conflict situation. They are supposed to be decently treated and respected, which did not happen in this case.”
Sinabi ni Padilla na kahit isolated case ang video, hindi maikakaila na ang mga hindi pa nakikilalang sundalo sa video ay may nilabag na patakaran.
“Ang punto po rito, hindi po natin itinatago ito at hinaharap po natin ng may mariing paniniwala na may paglabag dito na nangyari. Kaya ‘yun po ang pinagtutuunan natin ng pansin,” ani Padilla.
“Ito po ay isang isolated case. Nakita n’yo naman po, sa tagal ng panahon na nandiyan po sa bakbakan ang ating kasundaluhan, maayos po na napamunuan ng ating mga liderato, sa ating mga units d’yan, ang kanilang mga kasamahan,” dugtong ni Padilla.
Siniguro rin ni Padilla na aalamin nila ang pinag-ugatan ng isyu at parurusahan ang mga responsable rito.
“So, hindi po tama ‘yun at aalamin po natin ito. So, an investigation has been launched. Our personnel on the ground are advised about the possibility of where this came from and we will ascertain,” sambit ni Padilla. “Once we have any result, we will share this with you and definitely, those responsible will be held accountable.”