Ni: Celo Lagmay

ANG pagsasampa ng kasong katiwalian laban kay Ex-Secretary Jospeh Imilio Aguinaldo Abaya at sa 20 iba pa kaugnay ng sinasabing malawakang anomalya sa MRT-3 ay natitiyak kong naghudyat sa paghahabla ng iba pang opisyal ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon na pinaniniwalaang kasangkot sa mga alingasngas. Si Abaya ang dating Kalihim ng noon ay Department of Transportation and Communication (DoTC), na ngayon ay Department of Transportation (DOTr), noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino.

Hindi ko bubusisiin ang mga detalye ng nabanggit na asunto laban kay Abaya sapagkat ito ay nakasampa na sa Office of the Ombudsman; sub judice, sabi ng mga abogado. Sapat nang bigyang-diin na ang mga kapalpakan sa operasyon ng naturang transport system ay nag-ugat noong nakalipas na administrasyon; na ito ang dahilan ng halos araw-araw na pagtirik ng mga bagon na nananatiling kalbaryo na pinapasan ng milyun-milyong nanggagalaiting pasahero.

Dahil dito, naniniwala ako na hindi lamang corruption case ang dapat isinampa laban sa mga dating opisyal ng Aquino administration. Hindi ba higit na angkop na isinampa ang plunder case sapagkat bilyun-bilyong piso umano ang nakulimbat dahil sa maanomalyang transaksiyon? Ang pagsasampa na kaso laban kay Abaya at iba pa ay paulit-ulit na umuugong sa mga pagdinig sa Senado.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

At dahil pa rin dito, malakas ang aking kutob na hindi na lulubayan ng kasalukuyang administrasyon ang sunud-sunod na paghahabla sa sinumang dapat managot sa katiwalian --maging ang mga ito ay kaalyado ng nakaraang pangasiwaan o ng kasalukuyang administrasyon.

Malimit ipahiwatig ni Pangulong Duterte na tutugisin niya ang mga kasangkot sa masalimuot na Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP). Supreme Court ang nagpasiya na ang mga ito ay labag sa Konstitusyon. Samakatuwid, marapat lamang managot ang mga nakisawsaw sa nabanggit na mga pondo.

Magugunita na ang sinasabing mga idinawit sa pagsasamantala sa PDAF at DAP ay tila hindi man lamang nakasuhan; at kung naihabla man ay hindi naman nilitis. Hindi ba talamak noon ang pag-iral ng selective justice o katarungang may pinipili? Ang mga naging biktima ng ganitong sistema ng katarungan ay nadurusa pa sa mga piitan.

Dapat patunayan ng kasalukuyang administrasyon na ang selective justice ay naging bahagi ng lumipas. Ihabla ang mga kaalyado nito na dapat managot sa anomalya sapagkat sila ang natitiyak kong magiging balakid sa paglikha ni Pangulong Duterte ng ipinangangalandakan niyang malinis na gobyerno.