Nina GENALYN D. KABILING at FRANCIS T. WAKEFIELD

Ilang bansa at foreign agencies ang nangakong tutulong sa pagpopondo sa rehabilitasyon ng nawasak na Marawi City sa Lanao del Sur, pero hindi kaagad na tatanggapin ng gobyerno ang mga alok na tulong.

Ang bawat foreign assistance para sa rehabilitasyon ng lungsod na nawasak sa limang-buwang digmaan ay masusing pag-aaralan ng Task Force Bangon Marawi bago ito tanggapin, ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Kristoffer Purisima.

Ayon kay Purisima, ikinokonsidera ng task force ang idineklara kamakailan ni Pangulong Duterte tungkol sa pagsasala ng mga foreign aid bago sila magdesisyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We’re studying this within the framework of the task force and under the finance and resource mobilization (group),” sinabi ni Purisima sa news conference sa Malacañang kahapon. “The agreement among the agencies of the task force that any pledge or any aid that we are receive or may mga offers ng donations, idadaan lahat ‘yan sa task force.”

Kabilang sa finance at resource mobilization groups ng task force ang National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DoF), at Department of Budget and Management (DBM).

Sa kasalukuyan, ayon kay Purisima, nag-alok ng ayuda sa Marawi ang Canada, China, Germany, South Korea, India, Thailand, Singapore, United States Agency for International Development, at ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Assistance on Management.

Dagdag pa niya, may kani-kaniyang pledges din ang Australia, Japan, USAID, European Union, Asian Development Bank, World Bank, at United Nations Development Program.

Nang tanungin ang mga konsiderasyon ng gobyerno sa pagtanggap ng foreign aid para sa Marawi, sinabi ni Purisima:

“First of all, of course, the need and the kind of aid that will be given ‘no. And of course, the policy direction.”

Tiniyak din ng opisyal na maglalabas ang task force ng periodic reports sa publiko tungkol sa mga dayuhang donasyon na tatanggapin ng pamahalaan.

“We commit to our stakeholders, both private and public, that we will be transparent and accountable as to the donations we receive or the pledges we accept, and moving forward, the costs that we will incur in the rebuilding, rehabilitation, and recovery of Marawi,” aniya.

Samantala, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na inaasahan niyang magbabalik na ang normal na pamumuhay sa Marawi sa mga susunod na linggo, kahit pa abala pa rin ang militar hanggang ngayon sa pagtiyak na wala nang bomba o nagtatagong terorista sa dating main battle area.

“Siguro a couple weeks pa, kasi kini-clear pa nila ‘yung unexploded ordnance,” sabi ni Lorenzana. “Tapos may pursuit operation pa sila doon sa mga butas-butas kung may mga tao pa diyan.”

Sinabi rin ng kalihim na hanggang ngayon ay nakakakuha pa rin ang militar ng mga bangkay ng mga napatay sa opensiba na resulta ng limang-buwang bakbakan.

Binanggit din ni Lorenzana na hinahanap pa rin ng tropa ang pinaglibingan sa Malaysian na si Dr. Mahmud Ahmad, isa sa mga opisyal ng Maute-ISIS, gayundin ang pinagbaunan kay Abdullah Maute, na napabalitang napatay sa airstrike noong Agosto.